Balasahin ang DOTC
DAPAT nang balasahin ni Pres. Noynoy Aquino ang mga matataas na opisyal ng Department of Transportation and Communications (DOTC) dahil sa mga kapalpakang nangyayari na ang apektado ay ang mamamayan.
Unang-una sa mga ahensiya na saklaw ng DOTC na pu-malpak ay ang nangangasiwa sa Metro Rail Transit (MRT) na nagkaroon ng pinakamalalang aberya noong nakaraang linggo na ikinasugat nang mahigit 30 tao.
Ito ay kaugnay sa pagsadsad ng isang bagon ng MRT sa EDSA-Taft Station na ilalabas daw ang resulta ng imbestigasyon bukas upang malaman kung ano ang tunay na dahilan ng aksidente.
Pero hindi pa man natatapos ang imbestigasyon ay agad nang tumirik na naman ang isa pang bagon sa bahagi ng Santolan EDSA.
Nauna rito, pumalpak na rin ang LTFRB na saklaw din ng DOTC kaugnay naman ng usapin sa pagsuspinde nito sa implementasyon ng Joint Administrative Order na nagpapataw sana nang mas mabigat na multa sa mga kolorum na sasakyan kabilang ang mga truck at bus.
Matinding problema sa trapiko ang nilikha ng hakbang ng LTFRB ayon sa MMDA dahil nasuspinde ang truck ban kung kaya libre ang lahat na magbiyahe na nakaapekto sa trapiko sa halos lahat ng lugar sa kalakhang Maynila.
Naunang pumalpak din ang pamunuan ng airport sa bansa lalo na sa Ninoy Aquino International Airport noong Semana Santa at nagsilbing sauna ang airport dahil sa palpak na airconditioning unit nito.
Ang Land Transportation Office (LTO) ay naunang pumalpak din dahil sa mga plaka at sticker ng mga sasakyan na hindi naibigay sa mga may-ari ng sasakyan.
Lumilitaw na halos lahat nang ahensiya na nasa ilalim ng DOTC ay may kapalpakan pero parang balewala kay DOTC secretary Jun Abaya.
Panahon na upang balasahin ang ang lahaT nang ahensiya ng DOTC at pangunahan ang pagsibak kay Abaya na lumilitaw na palpak na pinuno ng ahensiya.
Lumilitaw na halos buong DOTC ay palpak sa kanilang serbisyo sa taumbayan at malinaw na may kapabayaan si Abaya dito dahil ayon daw sa mga alegasyon ay abalang-abala din ito sa kanilang partido na Liberal Party na naghahanda na sa 2016 presidential elections.
Sana naman, masilip ito ng Malacanang o ni P-Noy at magising sa katotohanan na mahina ang performance ni Abaya at palitan din ang mga pinuno ng ahensiya na saklaw nito tulad ng LTO, LTFRB at NAIA.
- Latest