Supermarket na libre ang mga tinda, binuksan sa Denmark
ANG kauna-unahang supermarket na libre ang mga tinda ay binuksan sa Denmark kamakailan. Puwedeng pumunta ang mga mamimili rito at basta na lamang dumampot ng kanilang mga kailangan nang hindi nagbabayad.
Siyempre, hindi naman maaring walang kapalit ang pagkuha ng mga tinda sa nasabing supermarket. Kahit na hindi nila kaila-ngang magbayad, kailangan pa ring pumunta ng mga kumuha ng tinda sa website ng supermarket at doon maglalagay ng kanilang komento ukol sa produkto na kinuha.
Ang bagong konseptong ito ay tinatawag na ‘tryverstising’ o ang pagpayag sa mga mamimili na masubukan ang mga produkto nang libre kapalit ng kanilang mga komento na ibibigay sa Internet.
Naniniwala kasi ang supermarket na nagpasimula ng ‘tryvertising’ na sa dami ng gumagamit ng mga social media sites ngayon ay hindi na matatawaran ang impluwensiya ng mga opinyon na mababasa sa Internet ukol sa isang produkto. Ang tagumpay ng isang produkto ay nakasalalay sa pagkakaroon nito ng mga positibong komento sa Internet mula sa mga nakagamit na nito.
Kailangan namang siguraduhin ng mga mamimili ng ‘libreng’ supermarket na mabibigyan nila ng komento ang mga produktong kinuha nila sa lalong madaling panahon dahil kung hindi ay maari silang magbayad ng multa o hindi kaya ay maaring pagbawalan na silang pumunta pa ulit sa ‘libreng’ supermarket.
- Latest