Lalaki sa Texas, nakaka-pagpaamo ng mga pating
SI Eli Martinez, 41, ay isang diver na laging nakakasalamuha ang mga pating. Dahil madalas niyang kasama ang mga pating, napag-aralan niya kung paano paaamuin ang mga ito.
Subalit bago nagawa ni Eli ang pambihirang kakayahan na pagpapaamo sa mga pating, gumugol siya ng 10 taon sa pag-aaral ukol sa mga ito. Hindi madali ang pagpapaamo sa mga mga mababangis na isda.
Matagal nang sumisisid si Eli sa karagatan ng Bahamas kung saan maraming pating. Noong 2002, sinimulan niya ang pakikisalamuha sa mga pating. Inumpisahan niya ito sa pamamagitan ng pagpapakain sa mga ito. Takot na takot siya noong una dahil Tiger sharks ang karamihan sa mga pating na gumagala sa beach ng Bahamas. Ang mga Tiger sharks ang isa sa mga pinakamababangis na uri ng pating sa buong mundo.
Nagbunga naman ang pagpapakain ni Eli upang maging pamilyar sa kanya ang mga pating dahil ngayon ay sobrang amo na sa kanya ng mga Tiger shark sa Bahamas. Nagagawa na niyang hawakan at himasin ang mga ito at minsan pa nga ay nauutusan pa niya ang mga pating na gumulong na parang mga alagang aso.
Sa kabila nito, handa pa rin si Eli sa panganib dahil hindi maalis ang pagiging mabangis ng mga pating kahit pa siya ay pamilyar na sa mga ito. Kaya naman kahit napapaamo na niya ang mga pating ay binibigyan pa rin niya ng respeto ang mga ito upang hindi sila makaramdam ng panganib na maaring magbigay sa kanila ng dahilan upang maging mabagsik at maglagay sa kanya sa peligro.
- Latest