Dagdag puwersa ng pulisya, kailangan na!
Sinimulan nang isabak sa labas ang may 100 pulis na dating nasa administrative duty sa loob ng Camp Crame.
Gagamitin na sila sa anti-crime campaign ng PNP sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila partikular sa mga crime-prone areas dito.
Dagdag police visibility, ayon sa pamunuan ng PNP, para umano matugunan ang matinding pangangailangan ng mga pulis na nakabantay sa labas o sa lansangan laban sa mga gumagalang mga kriminal at kawatan.
Ang 100 pulis na ito ay hahatiin ng NCRPO sa limang police district.
Unang deployment pa lang umano ito, dahil nauna nang sinabi ng DILG na aabot sa 900 pulis ang isasabak sa anti-criminality campaign sa Metro Manila sa susunod na buwan sa pagpasok nga ng ‘ber month’. Ito yung kanilang mga bagong recruit.
Sangkaterbang batikos ang tinanggap ng PNP dahil sa paglala at pagtaas umano ng kriminalidad lalo na sa Metro Manila, partikular dito ang pamamayagpag ng riding in tandem suspects.
Bagamat hindi dapat pang ipangatuwiran, nakikita rin naman na isa sa dahilan ang kakulangan sa bilang ng mga pulis sa bansa.
Dito lamang sa Metro Manila kung saan aabot sa 18,000 personnel lamang ang nagbibigay proteksyon sa 12 hanggang sa 15 milyong mamamayan.
Nasa 1:500 ang police to population ratio.
Kahit pa nga raw ilabas lahat ng pulis sa mga opisina eh talagang may malaking diprensiya sa bilang nila at bilang na dapat nilang mabantayan.
Sana nga ay matupad ang mga panawagan na kailangan ang karagdagang 25,000 pulis sa taong 2015 at ganito ring bilang sa taong 2016.
- Latest