Video karera
SOBRANG laki ng kita sa video karera machines kaya maraming pulis na ang naging financiers nito tulad ni SPO1 Roger Esteban alyas Sacho. At ang mga katulad ni Esteban ang nagdulot ng problema sa PNP na dapat lutasin ni DILG Sec. Mar Roxas. Ang mga pulis na financier ng video karera ay sinusuwelduhan ng gobyerno subalit hindi public service ang ginagawa nila tulad ng sinumpaan nila kundi ang “bulsa” service. Hamakin n’yo, nagsayang ng pera ang gobyerno para pangsuweldo sa mga pulis na ito na karamihan ay 15-30 lamang. Sinabi ng mga kosa ko na kadalasan nagbabayad lang sa kanilang superiors ang mga pulis na financiers ng VK machines para lumabas na pumapasok sila pero sa katotohanan nandoon sila at nagbabantay sa mga nakalatag nilang makina. Ang police raiders ay umiiwas sa makina ng mga pulis na VK operator dahil sa pangambang humantong pa sa enkuwentro ang lakad nila. Kaya dapat sibakin na ni Roxas sa pagka-pulis hindi lang itong mga VK operators kundi maging ang gambling lords dahil pangunahing dahilan sila na sumisira sa gumagandang imahe ng PNP. Hehehe! Tumpak!
Si Esteban ay nagsimula sa limang makina, Sec. Roxas Sir! ’Ika nga ng mga kosa ko, “pamalengke” lang. Subalit dahil pulis siya, may kontak na mga kabaro si Esteban na nanghuhuli ng VK sa iba’t ibang lugar ng Metro Manila at Luzon at ang mga ebidensiya o makina ay sa kanya ibinebenta. Sa murang halaga pa ’yan ha, mga kosa! Kaya sa isang iglap lang dumami ang makina ni Esteban at umunlad nga ang buhay n’ya at nang kanyang pamilya. Sa ngayon, si Esteban ang may nakalatag na VK sa Caloocan City at Calamba City, Laguna. Kung ang sibilyan na si Buboy Go ay nag-bid ng P1.5 milyon para makopo ang VK operations sa Maynila, t’yak ganun din ang paraan ni Esteban para mapaamo si Caloocan City Mayor Malapitan at mayor ng Calamba City, di ba mga kosa? T’yak ’yun! Ang tanong? Pumapasok pa kaya sa NPD si Esteban? Tiyak hindi dahil kaya na n’yang bayaran si Gen. Edgar Layon, ang hepe ng NPD, di ba mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ’yan!
Sa ngayon Sec. Roxas Sir, sino ang lugi sa sistema ni Esteban? Di ba ang gobyerno? Kasi nga kumukubra siya ng suweldo subalit di naman pumapasok para magserbisyo sa publiko tulad ng sinumpaan niya nang pumasok siya sa pagkapulis. At imbes na ang publiko ang bantayan niya, aba sa nakalatag niyang makina siya nakaguwardiya! Double whammy ang tama ng gobyerno natin dito, di ba mga kosa? Bakit hindi na lang sibakin ni Roxas si Esteban at iba pang pulis na video karera operators at palitan sila ng bagong recruit nang sa gayon ay may pakinabang pa ang gobyerno sa pasuweldo sa kanila? Talakayin ko sa susunod ang mga aktibo at retiradong pulis ng Maynila at iba pang lugar na VK operators. Abangan!
- Latest