Ano? Nagkakaubusan ng Fried Chicken?
… e, di gumawa ka ng sarili mong fried chicken. Paano?
BUMILI ng isang kilong drumstick. Isa-isang pahiran ng asin. Itabi muna sa refrigerator habang tinitimpla mo ang marinade (likidong pagbababaran ng manok). Paghaluin ang mga sumusunod para makagawa ng marinade: Isang tasang tubig, one-fourth tasang sukang puti, 3 kurot na vetsin (pambawas ng asim ng suka), isang kurot na black pepper powder, isang kutsarang chopped bawang or kalahating kutsaritang garlic powder. Ihalo ang manok sa marinade gamit ang kamay. Magdamag na ibabad sa marinade ang manok.
Breading: Isang tasang AA Powder (cassava flour); one-fourth tasang harina; one-third tasang rice flour, isang kutsaritang garlic powder. Kung gusto ay spicy, idagdag ang kalahating kutsaritang chili powder. Haluin ang ingredients sa tuyong bowl gamit ang kamay. Importante ang rice flour dahil ito ang nagpapalutong ng manok. Mabibili sa Save More supermarket, baking section ang AA powder, harina at rice flour. Pati na ang spices and condiments na aking binanggit.
Itapon ang marinade. Ilagay ang manok sa salaan (strainer) upang patuluin ang excess liquid. Pagkaraan ng 30 minuto, pagulungin isa-isa ang drumstick sa breading. Deep fat frying ang gawin. Nakalubog dapat ang manok sa maraming mantika. Para matesting kung sapat na ang init ng mantika, magpatulo ng ilang patak na tubig sa mantika. Kapag huminto ang pagpipitikan ng mantika, senyales ito na puwede nang simulan ang pagpiprito. Lagyan ng hiwa ang malamang bahagi ng drumstick upang pumasok ang init at maiwasan ang luto sa ibabaw, hilaw sa ilalim. Iprito ang manok hanggang sa maging golden brown. Upang hindi agad maging soggy ang pritong manok, iayos nang nakatayo ang drumstick sa salaan pagkatapos na iahon ito mula sa mantika. Palipasin muna ang ilang minuto bago isalang sa kawali ang susunod na batch ng manok. Hayaan bumalik muna ang init ng mantika.
Chicken gravy: Bumili ng instant gravy powder mix. Sundin ang cooking instruction sa pakete plus magdagdag ng isang kutsaritang asukal para manamis-namis ang sawsawan n’yo. Enjoy your homemade fried chicken!
- Latest