EDITORYAL - OFWs sa Libya
SA kabila nang delikadong kalagayan ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Libya, marami pa rin ang ayaw umuwi sa kabila na hinihikayat sila ng pamahalaan. Marami pa rin ang ayaw magparehistro para makauwi. Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFSA) nasa 1,036 pa lamang ang nagpaparehistro. Isang barko na ang nirentahan ng pamahalaan para sumundo sa mga OFWs. Ang pagbibiyahe sa dagat ang pinaka-ligtas na paraan para makalabas ng Libya.
Palubha nang palubha ang nangyayari sa Libya mula nang sumiklab ang civil war. Mas matindi umano ang nangyayari ngayon kumpara noong 2011 na nagkaroon ng uprisings para pabagsakin si Libyan dictator Moammar Khadafy. Isang Pinoy ang kinidnap at pinugutan ng ulo sa Benghazi at isang Pinay nurse sa Tripoli ang ginahasa. Ayon sa report, pinugutan ang Pinoy dahil isa itong Kristiyano. Ang Pinay ay dinukot umano ng isang grupo ng mga kabataan sa harap mismo ng tirahan nito at dinala sa disyerto saka ginahasa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nasa 113,000 ang OFWs sa Libya at mahigit 800 pa lamang ang nare-repatriate. Karamihan sa mga Pinoy doon ay nagtatrabaho bilang health workers, engineers, at domestic helpers at iba pa.
Ayon sa report, nagiging mahirap na ang paglabas sa Libya sapagkat isinara na ng Egypt at Tunisia ang border crossing. Ang dalawang bansa ang tanging madadaanan palabas ng Libya.
Maraming dahilan ang OFWs kung bakit ayaw nilang umalis sa Libya. Sabi ng Pinoy health workers hindi raw sila pinaaalis ng mga opisyal ng ospital na kanilang pinaglilingkuran. Kailangan daw sila roon. Ang iba namang OFWs, hindi raw sila aalis sa Libya sapagkat mas mahirap ang dadanasin nila sa Pilipinas kung walang trabaho. Ayaw daw nilang mamatay sa gutom ang mga mahal nila sa buhay.
- Latest