EDITORYAL - ‘Gagamboys’
BUKOD sa mga “batang hamog” na nambibiktima sa mga motorista sa EDSA, Makati, Quiapo, Cubao, Kamias at Mayon sa Quezon City, narito pa ang mga batang nambibiktima sa mga balikbayan habang palabas ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na tinatawag na “gagamboys”. Ang mga batang ito ay mabibilis na sasabit sa mga sasakyan na sumundo sa balikbayan. Target nila ang mga nakabukas na bintana ng van na sinasakyan ng balikbayan o maski turista. Kapag naispatan nila na nakaawang ang bintana, iyon ang sasamantalahin para makapanghingi sa mga nasa loob. Ipapasok nilang pilit ang kamay sa loob. Pero ang mas matindi, nadadampot o nahahablot na agad nila ang mahahalagang bagay sa loob gaya ng bag, cell phone, wallet, camera at kung anu-ano pa. Kadalasang mga tatlong “gagamboys” ang sasampa sa tagliran ng van habang nakahawak sa bintana. Maliliksi at sanay na sanay ang mga batang ito at bago pa malaman ng mga taong nasa loob ng sasakyan, natangay na ang kanilang gamit.
Isang babae na umano’y sumundo sa NAIA ang nabiktima ng “gagamboys” at nawalan ng pera. Ayon sa babae, binuksan niya ang bintana ng van para pumasok ang hangin. Nasira umano ang aircon ng sasakyan. Pagbukas niya ng bintana, nakasampa kaagad ang tatlong “gagamboys” at nadampot ang bag niya na nakapatong sa upuan. Walang anumang nagsibaba ang “gagamboys”. Huli na nang malaman ng babae na natangay na ang bag niya na may lamang pera, cell phone at mahahalagang gamit.
Nakapagtataka kung bakit hindi hinuhuli ng mga pulis ang mga batang ito. Malapit lamang umano ang presinto ng pulis sa lugar pero walang awtoridad doon para madakma ang “gagamboys”. Dapat din namang kumilos ang DSWD para mahuli ang “gagamboys”. Napakasamang karanasan para sa mga turista o balikbayan na pagbaba pa lamang sa eroplano ay mananakawan habang nasa sasakyan. Kakahiya!
- Latest