Manong Wen (4)
“KAYA pala maraming dahon ng saging at may mga hulmahang aluminyo sa kusina ay dahil gumagawa ka ng bibingka,” sabi ni Jo na halatang humahanga kay Princess dahil marunong nang magnegosyo.
“Kay Tatay ko po natutunan ang pagbibingka.”
“Ah kaya pala nung nasa Saudi kami ay nagluto siya ng bibingka. Masarap ang bibingka niya. At sabi niya noon daw Gulf War ay ginawa niyang sideline ang pagbibibingka. Wala pa ako nun sa Saudi.’’
“Opo. Naikuwento nga po ni Tatay na nagluluto raw siya dun ng bibingka.’’
“Kailan ka pa nagsimulang magbibingka?”
“Mula pa po noong nakaratay si Tatay. Kasi po talagang said na said ang pera namin dahil sa gamot at dialysis niya. Lahat po nang ipon ni Tatay sa pagsa-saudi ay ubos. Kaya wala na pong paraan kundi ang magbibingka para kami makaraos. Sabi po ni Tatay, hindi raw ganito ang inaasahan niyang buhay para sa amin ng kapatid ko. Tutol nga po siya na magbibingka ako dahil mahirap na trabaho ito. Pagkaluto ay ititinda. Nang lumaon, natanggap na rin ni Tatay. Minsan nga po, naabutan ko siyang umiiyak. Galing ako sa pagtitinda ng bibingka. Nang tanungin ko kung bakit siya umiyak, wala raw. Pero alam ko, naaawa siya sa akin. Gusto kasi niya makatapos ako ng kolehiyo. Nasa third year na ako nang tumigil. Wala po talagang magagawa. Wala naman kaming mahingian ng tulong dahil ang kamag-anak namin ay walang-wala rin.’’
Napatitig si Jo kay Princess. Humahanga siya rito. Sa kabila na mura pa ang edad, marunong nang bumalikat ng responsibilidad.
Maya-maya ay may duma-ting na batang babae. Mga 10 years old. Maganda rin.
“Si Precious po, Mang Jo. Kapatid ko,” sabi at saka inutusan ang kapatid na magmano kay Jo. Nagmano si Precious.
“Anong grade mo na?” tanong niya.
“Grade 4 po.’’
Marami pang pinagkuwentuhan sina Jo ay Princess. Lahat ay tungkol kay Manong Wen.
Nang mag-ala una ng hapon ay nagpaalam na si Jo. Kailangang bumalik na siya sa Maynila.
Parang nalungkot si Princess.
“Babalik ka po ba rito, Mang Jo?”
Hindi makasagot si Jo. Hindi niya alam kung babalik siya.
(Itutuloy)
- Latest