EDITORYAL - Patuloy sa paglobo ang mga Pilipino!
NGAYON, ayon sa estimate ng Population Commission (PopCom), 100 milyon na ang mga Pilipino. Pinagbasehan ng PopCom ang pagdami ng mga Pilipino sa mga isinisilang na sanggol araw-araw. Ayon sa PopCom, 4,609 sanggol ang isinisilang araw-araw sa buong bansa.
Patuloy ang pagdami ng mga Pinoy sa kabila na may mga programa na ang pamahalaan para sa pagpaplano ng pamilya. Noong 2012 ay ipinasa na ang Reproductive Health (RH) bill na ang layunin ay maisaayos ang pagpaplano ng pamilya at mailigtas din ang mga kababaihan sa panganib nang maaagang pagbubuntis.
Kahit may batas na ukol dito, hindi pa rin mapigilan ang paglobo ng populasyon. At sa patuloy na pagdami, tiyak na dadami rin ang problema sa bansa. Unang problema ay ang pagdami ng mga magugutom. Dahil marami, kukulangin ang pagkain. At ikalawa, darami ang krimen. Dahil walang maibili ng pagkain, mapipilitan ang ilan na magnakaw. Magpapatuloy din ang kakapusan sa tirahan at malaking sagabal sa paglikha ng mga trabaho. Sa kasalukuyan, marami ang walang trabaho at kailangan pang mangibang bansa para makapagtrabaho.
Hindi napanatili ng Pilipinas ang pagmi-maintain sa tamang dami ng populasyon. Noong dekada 60, halos nagkakapareho ang populasyon ng Pilipinas at Thailand. Pero nang sumapit ang dekada 80, nagsimula nang dumami ang mga Pinoy. Ang Thailand ay napanatili ang tamang populasyon. Kung ano ang populasyon noon, ganun pa rin ngayon. Kaya maunlad ang Thailand. Hindi sila kinakapos sa pangangailangan.
Nakatutok ang Thailand sa kanilang population management at ito ang dapat tularan ng Pilipinas. Kung maisasaayos ang population management at maitatanim sa isipan ng mga bagong kasal ang pagpaplano ng pamilya, mababawasan ang mga naghihirap, maiiwasan ang pagkagutom at bababa ang krimen.
- Latest