‘Ang chickboy kong purdoy’
SA teknolohiya natin ngayon maaari mo bang makilala ang isang tao na iyong nakakasalamuha mo lamang sa pamamagitan ng internet connection?
Pinuntahan niya ang lugar na madalas niyang nadidinig na ibinabalita sa kanya na may pasabog siyang makikita. Pagdating niya dun natanaw niya mula sa bintana sa baba ang isang lalaking nagkakape sa mesa at nakasuot na pambahay. Naramdaman ni Ilene Gerawa, 31, parang nahirapan siyang huminga. Naghalo ang galit at sakit sa kanyang dibdib dahil sa asawang si Saudi Gerawa.
“Kumuha ako ng bato at pinagbabasag ko ang bintana nila. Lumabas ang mister ko at inaawat ako ng mister ko. Umuwi na raw kami. Hindi ako nagpapigil. Nakita kong umakyat ang babae sa kwarto at nagsarado ng pinto,” pahayag ni Ilene. Nang hindi lumalabas ang babae sinama niya sa barangay ang mister pero itinatanggi ng kanyang ang mga paratang. Dumulog din siya sa Women’s desk para magreklamo. Yun na ang huli nilang pagkikita. Ang ina ni Saudi ang kumuha lahat ng gamit at huminto na rin sa pagsusuporta sa kanyang mga anak. Para maipaglaban ang kanyang karapatan at ng kanyang mga anak nagsampa siya ng kasong RA 9262.
Sa isang pagbabalik-tanaw nagkakilala ang dalawa sa isang lugar kung saan nakakapag-usap ang mga tao (‘social networking site’) na YM (yahoo messenger). Dun sila nagkakwentuhan tungkol sa mga personal nilang buhay. Nagtatrabaho bilang OFW si Saudi. Buwan ng Abril taong 2005 nang umuwi si Saudi sa Pilipinas. Sa Monumento, Kalookan nagkita ang dalawa. Tumuloy sila sa isang motel. Nang sumapit ang katapusan may kakaiba nang naramdaman si Ilene kaya bumili siya
ng pregnancy kit at natuklasan niyang siya’y buntis. Natuwa si Saudi nang malaman ang kanyang kalagayan.
“Pinakilala na niya ko sa pamilya niya. Nung magpunta kami sa bahay nila nalaman kong may anak na pala siya. Para sa ’kin ayos lang dahil hiwalay na sila nung babae,” salaysay ni Ilene.
Pinlano na nila ang kanilang kasal. Naganap ito noong ika-19 ng Agosto 2005 sa City Hall ng Valenzuela.
“Dun kami tumira sa kanila sa Valenzuela. Nagtrabaho rin siya bilang welder habang nag-aapply para makapag-abroad uli,” kwento ni Ilene.
Maayos naman ang pagsasama ng mag-asawa hanggang sa nung ika-30 ng Disyembre 2005 umalis ng bansa si Saudi papuntang Africa.
“Pagdating dun sinabi niya sa ’kin na hindi siya gaanong makakapag-email dahil walang signal. Bihira lang din daw siyang makakapagtext,” ayon kay Ilene. Pansamantala silang umalis sa bahay ng biyenan at lumipat sa tiyuhin. Sobrang dalang kung mag-email at mag-text sa kanya ang asawa. Isang araw habang nasa harapan siya ng computer binuksan niya ang email address ng mister. “Ma pag-uwi ko magsasama tayo sa inyo. Magpataba ka, kumain ka ng kumain at huwag kang magpapagod,” bahagi ng mensahe ng kanyang asawa sa isang nagngangalang Analou. Nang mabasa ito ni Ilene tinawagan niya ang mister at agad itong kinompronta.
“Fling lang yun. Alam mo namang yan lang ang libangan namin dito,” dahilan ni Saudi sa kanya. Inintindi ni Ilene ang asawa at pinatawad ito. Dahil na rin sa mga unang pangyayari sa kanilang nakaraan nabahala siya sa kanyang relasyon lalo pa’t patuloy pa ang komunikasyon nito sa ina ng panganay. Kapag umuuwi ito ng bansa at nagseselos siya sa ilang mga babae binubuhusan siya ng kape, hinihila ang buhok, sinusuntok at binabalibag ang braso. Halos paulit-ulit kung gawin ito sa kanya ng asawa. Kwento ni Ilene naririnig pa ng kanyang ina mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ang sigawan nila. Walang tigil na lagabog at hagulgol. Nakita rin nito na hawak ng kanyang asawa ang sariling buhok at hila-hila pababa.
“Itong anak mo isasauli ko na! Ayoko na sa kanya!” sabi nito sa ina ni Ilene. Bigla na lang aalis si Saudi ngunit pagbalik nito ay susuyuin ulit si Ilene at hihingi ng tawad kaya nagkakaayos sila. Minsan din itong nagpaalam sa kanyang pupunta ng ‘reunion’. Ilang araw ang nakalipas may nabalitaan siyang nagkita ang asawa at ang ‘childhood sweetheart’ nitong si Fe. Naglalambingan daw ang dalawa. Matapos ang nasabing pagtitipon ilang araw hindi umuwi si Saudi. Pinuntahan niya ang bahay ng kapatid nito at napag-alaman niyang may dinadala umano itong babae doon. Kapag umuuwi naman ito napapansin niyang nagmamadali itong umalis. Sa kagustuhang malaman ang katotohanan sinuhulan ni Ilene ang pamangkin ni Saudi at sinabi nito sa kanya kung ano ang pangalan ng babae.
“Naghanap ako ng mga mapagtatanungan hanggang sa malaman ko kung saan nakatira yung babae niya,” wika ni Ilene. Nang puntahan niya ito nakumpirma niyang magkasama nga doon ang kanyang asawa at si Fe. Dahil hindi nakasumite ng kontra-salaysay sa mga akusayon ni Ilene, nakitaan ng probable cause ang reklamo ni Ilene. Naisampa sa korte at naglabas ng ‘warrant of arrest’ si Presiding Judge Ma. Theresa para kasong RA 9262 noong ika-3 ng Nobyembre 2011. Php20,000 ang itinakdang piyansa dito. Buwan ng Nobyembre 2011 naman nang mahuli ito sa Laguna sa bahay ng kapatid. Isang linggo siyang nakulong at ang ina nito ang nagbayad ng piyansa.
“Umalis na siya papuntang Saudi pagkatapos magpiyansa. Mula nun hindi ko na siya nakokontak,” pahayag ni Ilene.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Ilene.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi pa umuusad ngayon ang kaso dahil wala pa ang akusado at pansamantala itong maiisantabi (archive). Mas mabuti ngayon pa lang hilingin niya sa taga usig na makapaghain siya ng Petition for Issuance of Hold Departure Order (HDO) para pagbalik niya dito sa Pilipinas ay hindi siya makakaalis kaagad. Hindi siya maaaaring magtagal sa bansang pinuntahan dahil ang ‘Iqama’ (working visa) niya ay pangdalawang taon lang. Kailangan gamitin niya muna ang kanyang exit visa, bumalik sa Pilipinas para ma-renew yan. Bagamat maraming babatikos at magsasabing makaluma ang aming sasabihin mas mabuti nang kilatisin muna ang isang tao bago mo ibigay ang lahat. Magtira ng konti para sa inyong relasyon para pagdating ng panahon na ito’y umangat ng antas at maging isang ganap na pag-ibig. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest