EDITORYAL - Mga taong walang kaluluwa
MARAMING nagagalit sa ginawang pagpapabagsak sa Malaysian jetliner na ikinamatay ng 298 pasahero kabilang ang tatlong Pilipino noong nakaraang Huwebes. Isang missile ang nagpabagsak sa eroplano at malaki ang hinalang galing ito sa Ukrainian rebels na sinusuportahan ng Russia. Anong klaseng mga tao ito na nagawang pabagsakin ang isang civilian aircraft? Ayon sa mga kamag-anak ng biktima, may mga kaluluwa ba ang mga taong nagpakawala ng missile na sumapol sa eroplano? Anong klaseng mga tao ito o mga tao ba talaga ang mga ito? Lumalabas sa mga report na hindi raw na-recognized ang Malaysian airplane kaya tinarget. Masyado raw foggy kaya hindi na-identified. Kung tama ang report, lumalabas na ang mga rebeldeng nagpakawala ng missile ay mistulang “tumarget sa dilim” at nahagip ang eroplano.
Ayon sa mga nakasaksi, nagbagsakan ang mga katawan ng pasahero makaraang sumabog sa ere ang eroplano. Kasamang bumagsak ang mga personal na gamit, passport, laruan ng bata, cell phone, stroller at napakarami pa. May mga bagay na hindi nasunog at nanatiling intact para marahil mapagbasehan na ang may-ari niyon ay kasama sa mga biktima.
Ang tatlong Pilipino (mag-iina) na mula sa Pagbilao, Quezon ay pauwi para magdaos ng reunion. Naka-base sila sa Netherlands. Ang masayang reunion ay nauwi sa masaklap na trahedya.
Ang masaklap ngayon, ayaw pang ibigay ng mga Ukrainian rebels ang mga bangkay ng biktima. Hindi malaman ngayon ng mga kamag-anak ng biktima kung paano makukuha ang mga bangkay.
Maraming nagagalit hindi lamang sa mga rebelde kundi pati sa Russia na walang ginagawang aksiyon para mapabilis ang pagkuha sa mga bangkay. Habang umiiyak ang mga naulila, tila walang damdamin ang mga rebeldeng Ukrainian at ang nagba-backup sa kanilang Russia.
Anong klaseng mga tao ito? Mayroon kaya silang kaluluwa?
- Latest