^

Punto Mo

‘Bagyong bentahan’

- Tony Calvento - Pang-masa

ANG MAGARANG kotse at magandang bahay ay hindi napapakinabangan kung bandang dulo mawawala din ito sa ‘yong mga kamay.

“Malaki ang bahay niya, may business pa siya. Napakarami niyang ipinapakitang ari-arian. Nasilaw kami at nagtiwalang magbabayad siya,” simula ni Cynthia.

Apat na milyon ang pinag-uusapan ngunit hindi man lang daw napakinabangan ng magkaibigang sina Cynthia delos Santos-51 at Ma. Luisa “Lou” Marquez-53.

May negosyo, nagmamay-ari ng malaking bahay na may swimming pool. Sino ba naman ang mag-aakalang ang ganitong uri ng tao ay bigla na lang tatakbo sa kanyang obligasyon?

Ang taong ito ay si Leandro Cabanisas na nakilala ng magkaibigan noong 2012 dahil sa kasamahan din nilang broker.

“Naka-mortgage ang bahay niya nun. Kailangan niya daw pera dahil gagamitin niya sa negosyo. Tatlong milyon ang una niyang hiniram,” pahayag ni Cynthia.

Bilang patunay na hindi sila tatakbuhan ni Leandro nagbigay ito ng titulo ng bahay na may lawak na 800sqm bilang collateral.

“Pinuntahan namin ang bahay. Maganda, malaki at may swimming pool,” wika ni Cynthia.

Para matugunan ang pangangailangan ni Leandro nagsimula nang maghanap ng mapagkukunan ng pera ang magkaibigan. Isang kakilala ang naisipan nilang lapitan.

“Ang usapan namin 5% kada buwan ang magiging tubo. Nangako din siya na ibabalik niya yun sa loob ng dalawang buwan,” sabi ni Lou.

Mas naniwala pa daw sila dito nang magpakita ito ng ilang dokumento na aaprubahan na ng bangko ang kanyang loan na nagkakahalagang sampung milyong piso. Pangako nito babayaran sila kaagad sa oras na makuha ang pera.

Makalipas ang isang buwan nagdagdag ito ng isang milyon.

“Hindi namin naisip na patatakan ang titulo dahil tiwala kaming magbabayad siya pagkalipas ng dalawang buwan,” ayon kay Cynthia.

Maayos naman daw ang mga naunang buwan. Nagbayad ito ng isangdaang libo at limampung libong piso. Kalaunan hindi na ito nakakatupad sa pagbabayad.

Tanging sa text lang nila ito nakakausap at kapag sinasabi nilang gusto nilang makipag-usap ng personal ay sinasagot silang magbabayad naman daw siya.

“Puro na siya pangako. Tapos madami na din siyang mga dahilan sa ‘min. Nariyan ang na-stroke siya kaya umuwi muna ng Mindanao para magpagaling,” pahayag ni Lou.

Nag-issue din daw ito ng ilang tseke para may mapanghawakan sila. Nagbigay din ito ng dalawang ‘blank cheque’ at sinabing magtetext na lang siya kapag may pera para makuha nina Lou at Cynthia.

“Sa trabaho namin halos lahat kami magkakakilala. Yung mga dokumento umiikot lang sa ‘min. Nakita ko ang pag-aapply niya ng loan pero iba ang pangalan niya,” salaysay ni Cynthia.

Jhonny Jadap ang gamit nitong pangalan. Kinabahan ang magkaibigan kaya’t agad nilang tinawagan si Leandro. Pumayag naman itong makipagkita sa kanila.

Nagpaliwanag ito na Jhonny Jadap talaga ang kanyang pangalan ngunit ginagamit niyag ‘dummy name’ ang Leandro Cabanisas kapag siya’y naglo-loan.

“Pinangakuan niya kami na magbabayad siya sa susunod na mga buwan. May marerelease daw siyang loan kaya’t siguradong matatapos na ang utang niya sa ‘min. Naniwala naman kami,” salaysay ni Lou.

Halos dalawang taon silang pinaikot-ikot sa mga pangako nitong si Leandro. Nung simula ay pinagbibigyan nila ito ngunit nitong huli ay sinisingil na sila ng taong nautangan nila.

Ilang ulit silang nakiusap dito na magbayad na at wala silang magiging problema ngunit tila nagbibingi-bingihan lang ito.

Napagpasyahan na nina Lou at Cynthia noong Enero 2014 na magsadya sa Register of Deeds ng Las Piñas para lagyan ng ‘annotation’ ang titulong kanilang hawak.

Nang sabihin nila ang kanilang pakay napag-alaman nilang may ‘null and void’ ang titulong kanilang hawak.

“Parang nalaglag kami sa mga patibong niya. Wala kaming kaalam-alam na hindi namin mapapakinabangan ang titulo ng lupa pagnagkagipitan,” pahayag ni Lou.

Ang mga tsekeng ibinigay daw sa kanila ay walang mga pondo. Sinubukan nilang puntahan ito sa bahay ngunit nakakandado na umano ito.

Gusto na ng magkaibigan na kasuhan si Leandro o Jhonny dahil sa hindi pagbabayad ng utang. Ito ang dahilan ng paglapit nila sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong nina Cynthia at Lou.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag tinawagan namin ang numero ni Leandro o Jhonny at tanging ang sekretarya niya lang ang aming nakausap. May meeting lang daw ito. Sinubukan naming kontakin ang numero ngunit hindi na ito sinasagot.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, napakaraming tao na ang nauutangan tapos ay tinatakbuhan. Dadaanin ka sa magagandang pangako at nakasisilaw na bagay para kumagat ka sa kanilang patibong. Sa nangyari kina Lou at Cynthia malinaw na may panloloko dito. Isinanla sa kanila ang isang titulo ng bahay na ‘null and void’ naman pala.

           Kasong ‘Estafa’ ang maaari ninyong isampa laban dito sa nangutang sa inyo. Ngunit bago ‘yan magpadala muna kayo ng ‘demand letter’ sa kanya. Kung hinsi niyo matukoy kung nasaan siya ipadala niyo ito sa huling address na alam niyo o sa kanyang opisina mismo.

           Ang mga ganitong uri ng tao ay hindi titigil sa pambibilog ng ulo ng ibang tao kung hindi sila maiihabla. Dahilan nga ng ilan sa kanila wala naman daw nakukulong sa utang. Kung hindi mo sila sasalingin hindi nila titigilan ang panloloko ng iba.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento.

LEANDRO

LOU

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with