Uok (214)
ANG parangal na ipinagkaloob kay Drew ay lalo pang naging daan para umunlad ang kanilang negosyo ni Gab. Lalong nakilala si Drew. Maraming dayuhan na sangkot sa coco industry ang nakabasa sa imbensiyon ni Drew kaya nagdagsaan sila sa bansa para personal na masubukan ang bisa ng Uokcoco pesticides. Ang iba ay bumili on line.
Dahil sa mahusay na pamamahala ni Gab sa kanilang negosyo, lalo pa itong umunlad. At hindi lamang ang daddy ni Gab na si Basil ang involved sa tagumpay ng Uokcoco pesticides kundi maging ang daddy ni Drew. Umuwi na rin ito ng probinsiya at isa sa mga naging bookkeeper ng kompanya. Tulung-tulong sila sa pagpapaunlad ng negosyo.
At marami pang natuklasan si Gab sa kabutihang dulot ng mga Uokcoco. Hindi lamang sa mga peste ng niyog at prutas ito mahusay kundi pati na rin sa mga halamang namumulaklak gaya ng white orchids. Nang testingin ni Gab ang pesticides sa orchids na alaga niya, biglang nawala ang mga dapulak na nasa dahon. At makaraan ang isang linggo, naglutangan ang mga bulaklak ng orchids. Kaya ang naging resulta ang mga malalaking flower farm ay umorder sa kanya ng Uokcoco pesticide. Epektibo ang natuklasan ni Gab.
Nang malaman iyon ni Drew, tuwang-tuwa ito. Dapat din palang maparangalan si Gab sa natuklasan nito.
Minsan isang buwan ay umuuwi si Drew sa probinsiya para dalawin si Gab.
Isang umaga, napansin niyang pagod na pagod ito sa pag-aasikaso sa mga ididiliber na Uokcoco pesticides.
“Magpahinga ka muna, Gab. Pagod na pagod ka na!”
“Kayang-kaya ko ito, Drew.’’
“Di bale at mga dalawang taon pa e magtutulong na tayo. Tapos na ako ng Law noon.’’
“Paano ka naman tutulong e siyempre magpa-practice ka ng Law.’’
“Kahit na nagpapraktis ako, tutulungan kita. Dahil sa panahong iyon e mag-asawa na tayo. Pagpasa ko sa Bar e magpapakasal agad tayo.’’
Tuwang-tuwa si Gab.
(Itutuloy)
- Latest