Elepante sa India na ikinadena ng 50 taon, napaluha matapos pakawalan
DAHIL sa tindi ng hirap na dinanas mula sa kanyang mga amo sa loob ng 50 taon, hindi napigilan ng isang elepante sa India ang mapaluha matapos pakawalan mula sa pagkakakadena.
Dahil sa pagkakadena sa elepanteng si Raju nagkasugat-sugat ang kanyang mga binti. Hindi siya pinakakain ng amo at sa halip ay hinahayaan si Raju ng kanyang amo na mamalimos mula sa mga turistang dumaraan sa kalsada. May mga araw na sa sobrang gutom ni Raju, kinakain niya ang mga basurang nakakalat sa kalsada.
Ang pagmamalupit na ito ang nagtulak sa isang grupo ng mga beterinaryo at dalubhasa sa hayop na sagipin si Raju. Isang taon matapos malaman ang kuwento mula sa mga residenteng naaawa sa kalagayan ng elepante, nailigtas ng grupo at ilang pulis si Raju mula sa kamay ng malupit na amo.
Pumatak ang luha ni Raju matapos kalagin ang mga kadenang gumapos sa kanya sa loob ng 50 taon.
Nahirapan silang isakay si Raju sa kanilang sasakyan para dalhin sa isang elephant conservation center. Ang pagkawala ng tiwala sa mga tao ni Raju ay maaring dulot ng 50 taon na paghihirap dito. Nagawa nilang pasakayin si Raju matapos nilang mapaamo sa pamamagitan ng pagpapakain sa kanya ng mga sariwang prutas at gulay.
Maraming elepante sa India ang nakakaranas ng pang-aabuso mula sa amo. Ang mga elepante na kasama si Raju sa bagong tahanan ay mga biktima rin ng pagmamalupit. Inaasahang lubos na makapagpapagaling si Raju mula sa mga sugat na kanyang tinamo.
- Latest