Murang laptop
IlanG dekada na ang nakakaraan, napakahirap magkaroon ng laptop dahil napakamahal lalo na kung walang kakayahan ang bulsa at pitaka mo na bumili nito. Magtitiyaga ka na lang sa mga malalaki at mabibigat na desktop computer na nakapirmi lang sa isang lugar.
Merong panahon na umaakyat sa 25,000 hanggang 50,000 piso ang halaga ng isang laptop. Meron pa ngang isangdaang libo. Pero, siguro, dahil na rin sa pagsulpot ng ibang bagong mga mas komportableng gadget na tulad ng Tablet at iPad, nagkaroon ng biglang pagbabago sa hanay ng mga laptop. Tila bumabagsak na ang presyo niya na masasabing pahiwatig na humihina na ang benta nito dahil sa kinakaharap na mas matinding kumpetensiya sa mga tablet computer, smartphone at iba pang gadget. Ibinababa ng mga tagagawa at dealer ang presyo ng laptop para mas marami ang bumili at patuloy pa rin itong bumenta sa pamilihan.
Kaya hindi na kataka-taka kung merong mga laptop ngayon na ibinebenta na sa halagang P5,000! Parang minana niya ang sitwasyon ng mga PC desktop computer na pababa nang pababa ang presyo habang tumatagal. Ang problema lang sa mga ganitong napakamurang laptop, mga segunda mano na lang sila. May mga software programe kasi na kahit siyang kailangan mo ay hindi mailalagay sa ganitong laptop dahil hindi sila compatible. Maaari silang i-upgrade, palitan ang mga kinakailangang piyesa at iba pa pero parang bumili ka na rin ng bago na mas mahal na version kung ganito lang din ang mangyayari.
Sabagay, kung tutuusin, ang mga nabibiling ganitong napakamurang laptop ay yaong mga nauna at lumang version na dahil hindi na mabili ay ibinebenta na lang sa mas mababang halaga para mabili. Kakagatin ito ng sino mang hindi masyadong pamilyar sa teknolohiya ng computer. Magagamit naman ang ganitong mga segunda manong laptop pero hindi dapat hanapin dito iyong mga software program na mas angkop sa mga makabago at mas mahal na laptop.
- Latest