Billboards!
Kokontrolin na ng pamahalaang lungsod ng Makati ang paglalagay ng mga higanteng billboards at signages sa kanilang nasasakupan.
May bago kasing ordinansa na naipasa na kokontrol sa paglalagay sa mga ito lalo na sa mga pangunahing lansangan sa lungsod.
Suportado ito ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Panahon na talaga para matutukan at mabigyan ng pansin ang naglalakihang billboard na umuusbong sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ang mga kumukutitap na mga ilaw nito lalu na sa gabi na nakakasilaw ay nakakaapekto sa mga nagmamaneho at posibleng sanhi pa ng aksidente sa lansangan.
Talaga namang nakapagtataka ang biglaang pagdami ng mga higanteng billboard at signages.
Hindi lang sa itaas na nakalagay, ngayon level na sa mata ng mga motorista.
Biruin ba namang kahit center island ay nilalagyan na rin ng billboard.
Panganib din ang mga ito sa publiko lalu na sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo.
Sa bagong inaprubahang City Ordinance No. 2013-A-044 ng Makati City Council, ay nagtatakda ito ng alituntunin kaugnay sa sapat na laki, taas at lokasyon ng mga ilalagay na billboards at signages.
Basehan din ito ng lungsod upang alisin ang mga billboards at signages na maaaring magbigay panganib sa residente ng lungsod at sa publiko sa kabuuan.
Sana nga ay mai-adopt na rin ang ganitong pagkontrol sa ilan pang lungsod kung saan makikitang parang kabute na nagsulputan ang mga naglalakihang billboard.
- Latest