Lalaki sa Brazil, nagparetoke para maging kamukha ng manikang asawa ni Barbie
MARAMING kababaihan ang gumagastos nang malaki sa pagpaparetoke upang maging kamukha nila ang manikang si Barbie. Pero alam n’yo na may isang lalaki sa Brazil na gumastos din nang malaki sa pagpaparetoke para maging kamukha naman ni Ken, ang lalaking manika na asawa ni Barbie.
Si Rodrigo Alves, 30, isang flight steward ay sumailalim na sa mahigit 20 operasyon upang maging kamukha niya ang kabiyak ni Barbie na si Ken. Dumaan na siya sa pagpapa-Botox, pagpapa-laser ng kanyang buhok, pagpapa-liposuction, at iba pang mga pamamaraan upang mahulma ang kanyang itsura na maging kamukha ng asawang manika ni Barbie.
Sa dami ng mga operasyon na ipinagawa niya, gumastos na si Rodrigo nang mahigit $100,000 (mahigit P4 milyon).
Iniidolo niya si Ken dahil para sa kanya, ang manika ang imahe ng isang perpektong lalaki kaya ginusto niyang maging kamukha nito.
Nagsimula ang pagpaparetoke ni Rodrigo, 10 taon na ang nakararaan. Una niyang ipinagawa ang kanyang ilong ngunit hindi siya nakuntento dito kaya pati ibang parte ng kanyang katawan ay isinailalim niya rin sa pagpaparetoke. Sa dami ng mga operasyon na kanyang pinagdaanan, muntik na niya itong ikamatay. Nagkamali ng pagtuturok sa kanya ng isang kemikal na nagdulot ng impeksyon sa kanya. Mabuti na lamang at nasolusyonan ito ng mga doktor.
Sa kabila nito, tuloy pa rin sa pagpaparetoke si Rodrigo. Aminado naman siyang ‘adik’ na siya sa pagpaparetoke kaya sumasailalim na rin siya sa isang therapy upang magamot ang kanyang pagkahumaling dito.
- Latest