EDITORYAL - Anong klaseng prison rules?
MAY VIP treatment nga ba o wala sa dalawang senador na nakapiit sa Custodial Center sa Camp Crame? Sabi ng spokesperson ng Philippine National Police (PNP) ay wala raw. Mahigpit daw na ipinatutupad ang kautusan sa nasabing faci-lity. Sinusunod daw ang haba ng oras at araw ng pagbisita. Limitado rin daw ang mga dumadalaw sa mga nakapiit dahil maliit lamang ang Custodial Center. Hindi raw papayagan ang anumang naisin ng mga nakapiit.
Pero sa mga nangyari noong Linggo na nakunan pa ng mga video ang sangkaterbang dumalaw kina Senators Ramon Revilla Jr at Jinggoy Estrada, tila hindi umaakma ang sinabi ng PNP na mahigpit sa nasabing piitan sa Crame. Kung mahigpit, bakit masyadong marami ang dumalaw sa dalawang senador na para bang isang barangay na ang naroon sa loob. Ito ba ang sinasabing limitado ang mga taong dumadalaw?
Ang oras ng dalaw ayon na rin sa kautusan ng PNP ay mula 9:00 a.m. hanggang 3:00 p.m. tuwing Huwebes at Linggo. Pero ayon sa report, may mga dumalaw sa dalawang senador na inabot ng hanggang alas dos ng madaling araw. Labas masok ang mga bisita ng dalawang senador. Karamihan sa mga bisita ay mga kapwa nila artista. Marami rin daw ang nagdedeliber ng pagkain na kinabibilangan ng litson at kung anu-ano pa. Sabi naman ng kampo ng dalawang senador, nagpaalam daw sila sa mga awtoridad. Marami raw bisita at pagkain dahil nagdiwang ng wedding anniversary sina Jinggoy at kabiyak nito.
Hindi istriktong ipinasusunod kung ganoon ang prison rules. Mayroong VIP treatment sa mga nakapiit sapagkat kahit ano ay puwedeng hilingin sa mga awtoridad. Sunud-sunuran ba ang PNP? Kung ano ang nakasaad sana ay ipatupad. Kung ano ang bawal dapat ipatupad. Kulungan ang kanilang ki-naroroonan dapat nilang malaman.
- Latest