Lalaki sa China, nagpatubo ng ilong sa noo
ISANG lalaki sa China ang nagpatubo ng ilong sa kanyang noo upang maging pamalit sa kanyang ilong na napinsala dahil sa aksidente.
Ang lalaki ay si Xiaolian, 22, mula sa probinsya ng Fujian. Nabangga ang kanyang sinasakyan na nagdulot ng pinsala sa kanyang ilong. Dahil hindi kaagad nalunasan ang pinsala, wala nang nagawa ang mga doktor upang maisaayos ito.
Kaya naman naisipan niyang sumailalim sa isang kakaibang operasyon – ang nose transplant o ang pagpapatubo ng isang bagong ilong na ipapalit sa lumang ilong na napinsala.
Ang bago niyang ilong ay ginawa sa pamamagitan ng pagkuha ng laman mula sa ibang bahagi ng kanyang katawan. Kumuha rin ng ilang piraso ng buto mula sa kanyang tadyang. Ang mga laman at buto na ito ay ang ‘itinanim’ sa kanyang noo at hinulma sa korte ng isang ilong. Inabot ng siyam na buwan bago ang itinanim na laman at buto sa noo ni Xiaolian ay tumubo na kasinlaki ng isang karaniwang ilong.
Hindi na bago ang pagta-transplant ng ilong ngunit kakaiba pa rin ang ginawang operasyon kay Xiaolian dahil ang karaniwang ginagawa ng ibang doktor ay patubuin ang bagong ilong sa ibabaw mismo ng napinsalang ilong. Sa kaso ni Xiaolian, sa ibang parte ng kanyang mukha itinanim ang bagong ilong upang tumubo ito at mahulma nang ayos.
Ayon sa mga nag-opera kay Xiaolian, maganda ang kondisyon ng tumutubong ilong sa noo. Sa lalong madaling panahon ay puwede na nila itong ipalit sa napinsala ilong ng pasyente.
- Latest