EDITORYAL - VIP treatment sa mga bilanggong maykaya
KAKAIBA ang nangyayari sa mga kulungan sa Pilipinas. Kapag ang nakakulong ay maykaya o maimpluwensiya, hindi maituturing na siya ay nakakulong kundi nagbabakasyon. Marami nang nangyaring ganito sa National Bilibid Prisons (NBP) kung saan ang mga maiimpluwensiyang bilanggo ay nakapagpapatayo ng sariling tirahan na kumpleto sa gamit --- aircon, washing machine, may sariling banyo at may malambot na kama. Mayroong pang maimpluwensiyang bilanggo na nagtayo ng hamburger house at tennis court.
At yung iba pa ay nakakalabas sa bilangguan para dalawin ang kanyang gusali at negosyo at nakakapamasyal pa sa kung saan-saan gamit ang kanyang sasakyan na may drayber pa.
Kamakailan, isang convicted drug lord ang nakalabas ng bilangguan at nagpaospital diumano. Pero nakunan ng CCTV na mayroong dumalaw ditong starlet at ilan pang bisita.
Mayroon ding bilanggo na nagagawang makapagnegosyo sa loob at walang anumang nagagawa ang lahat nang kanyang magustuhan.
Ang ganitong sistema sa bilangguan ay nangyayari at kahit na paulit-ulit na palitan ang mga namumuno sa piitan, wala pa ring pagbabago sapagkat kinakain ng sistema. Nasisilaw sa kinang ng pera kaya nangyayari ang kaluwagang tinatamasa ng mga maiimpluwensiyang bilanggo. Hindi sila nakakulong kundi nakabakasyon.
Ngayong kabilang na rin sa mga nakapiit sina Senators Ramon Revilla at Jinggoy Estrada, hindi rin kaya sila magtamasa ng VIP treatment. Humihiling umano ng aircon sa kanyang kinakukulungan si Revilla sapagkat masyado raw mainit. Si Jinggoy ay wala pang hinihiling sapagkat kahapon lamang siya napiit. Kung pagbibigyan sila, tiyak maraming babatikos. Dapat pantay-pantay ang mga bilanggo. Walang mahirap, walang mayaman. Sana.
- Latest