‘Batang hamog’sa Maynila
May matinding problema ang Manila Police sa mga nagÂlipang ‘batang hamog’ sa lungsod.
Hindi lang mga truck at ibang sasakyan na may mga kargamento ang target ng mga pasaway na batang ito, kundi maging mga turista at indibiduwal na kanilang mga binibiktima.
Pabata pa nang pabata ang mga batang ito, na iisipin mo talagang hawak o sinanay ng sindikato.
Ngayon sangkaterba raw ang mga batang hamog sa Malate, Maynila na ang tinatarget biktimahin ay mga dayuhang turista.
Ang siste, kunwari eh marurungis ang suot at nagpapalimos o di kaya’y nagpapanggap na nagtitinda ng bulaklak ang mga ito.
Modus ng mga batang palaboy na paikutan ang target nila. Lilituhin, kunwari ang ilan namamalimos at sasabayan naman ng ilan nang alok ng kanilang paninda.
Gigitgitin ng mga ito ang biktima na lingid sa kaalaman ay dinudukutan na pala.
Ang bibilis daw ng mga kamay, sanay na sanay kahit sa kanilang murang isipan.
Hindi nga raw talaga mararamdaman ang pagdukot ng mga ito, talagang hinasa.
Dyan din naman sa may kahabaan ng Delpan, dami ring tambay na batang hamog. Ang kinukulimbat naman mga kargamento ng truck, jeepney at kahit anong sasakyan may mga karga.
Dapat mapagtuunan na ito ng pansin ng pamahalaang lungsod at ng DSWD at ng pulisya, talaga namang parami na sila nang parami. Hanggat maaga ay dapat na masawata na ang mga batang ito, at mga taong gumagamit sa mga bata dahil baka lalu pang lumala kapag tumagal pa.
Nakakasira rin ito sa imahe at tanawin sa lungsod.
- Latest