Tuloy ang mataas na multa at parusa
Kahapon umarangkada na ang pagpapatupad sa Joint Administrative Order ng DOTC, LTFRB at LTO na nagpapataw ng mataas na multa at parusa sa mga kolorum at sa mga traffic violators.
Sinabayan nga ito ng protest caravan ng ibat-ibang transport group na naggigiit na dapat itong ipatigil.
Libu-libong mga commuters ang na-stranded sa isinagawang protesta ng transport group, bagamat may ilang mga libreng sakay naman ang inihanda ng ilang local officials at maging ng MMDA.
Maghapong maluwag ang mga lansangan, sabi nga ng ilan ito ay hindi dahil sa kilos protesta na hindi pagpasada, kundi baka dahil daw sa walang mga kolorum na sasakyan ang pumasada sa lansangan.
Mas marami pa daw yata talaga ang kolorum kaysa sa mga legal.
Sa kabila na marami ang naapektuhan, nanindigan ang LTFRB na patuloy sa pagpapatupad sa kautusan.
Wala namang nahuling kolorum na bus sa Metro Manila, pero may isang nasampolan sa Region 10.
Matagal na naman kasing problema ang mga kolorum na sasakyan
Pero kahapon kapansin-pansin na medyo lumuwag ang kahabaan ng Edsa na dating nagsisikip sa dami ng bus.
Libu-libong mga kolorum na bus na ang sinasabing pumapasada dito, pero kahapon mukhang namahinga dahil nga sa mga nakabantay na manghuhuli sa kanila.
Sa kabila ng maraming kampanya, hindi pa rin ito nawalis sa mga kalsada.
Ngayon ang mataas na multa at parusa ang sinasabing pag-asa para tuluyang tumino ang mga lansangan partikular sa Metro Manila.
Kaya nga giit din ng marami, dapat na talagang magkaroon ng ngipin ang batas para makuha ang disiplinang ganap.
- Latest