Damit pangkasal, gawa sa pinagtagpi-tagping toilet paper!
ISANG estudyante mula sa North Carolina ang nakagawa ng damit pangkasal mula sa pinagtagpi-tagping toilet paper.
Ang lumikha ng wedding gown ay si Olivia Mears, isang mag-aaral ng sining na taga-Asheville, North Carolina. Inilahok niya ang kanyang likhang wedding gown sa isang patimpalak ng mga damit na gawa sa toilet paper na isinasagawa taun-taon sa kanilang bayan.
Gumamit si Olivia ng 11 rolls ng toilet paper, 100 feet ng packaging tape, at sandamukal na pandikit para mabuo ang kakaibang wedding gown. Ilang linggo lamang ang kanyang naging palugit para mabuo ang kanyang likha dahil huli na nang malaman niya ang tungkol sa patimpalak.
Sa unang tingin, mukhang madaling masira ang nagaÂwang gown ni Olivia dahil gawa lamang sa papel. Sa kaÂbila nito, nagawa ni Olivia na isuot ang sarili niyang likha nang hindi napupunit ang anumang parte ng gown. Nahirapan siya ng kaunti dahil may ilang parte ito na may kasikipan sa kanya ngunit sadyang matibay ang kanyang pagkakagawa sa gown. Dinamihan kasi niya ang packaging tape na nagdidikit-dikit sa buong gown.
Natakot din siya na sirain ng kanyang alagang pusa ang kanyang gown lalo na noong napansin niya na umaaligid-aligid na ito sa kanyang likha. Sa kabutihang palad ay nagawa niya itong libangin sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng isang rolyo ng toilet paper upang paglaruan.
Bagamat hindi pinalad na manalo sa patimpalak na kanyang sinalihan, plano pa rin sumali ni Olivia sa isang taon at sisiguraduhin niyang makakapaghanda na siya ng lubusan. Plano rin niya na maging isang designer ng mga costume sa pelikula at telebisyon.
- Latest