Glow in the dark na halaman, maaring ipalit sa mga poste ng ilaw
ISANG kompanya sa Amerika ang nakapag-develop ng isang uri ng halaman na nagliliwanag kapag madilim. Dahil sa liwanag na ibinibigay nito, pinag-aaralan na kung maari itong ipalit sa mga poste ng ilaw sa pagbibigay ng liwanag sa mga kalsada kapag gabi.
Ang halaman, na pinangalanang ‘Starlight’, ay may scientific name na Nicotiana alata. Isa lamang itong pangkaraniwang halaman sa mga tahanan. Nagkaroon ito ng kakayahan na magliwanag sa dilim nang tinurukan ng BioGlow ng isang uri ng bacteria na nagliliwanag din kapag madilim.
May mga naimbento na dating halaman na nagbibigay din ng ilaw pero ang ‘Starlight’ ng BioGlow ang kauna-unahang halaman na hindi kailangang masikatan ng araw o malagyan ng kemikal upang umilaw sa dilim. Dahil sa bacteria na itinurok sa halaman, hindi na nito kailangan ng ultraviolet na sinag mula sa araw o ng kung ano pa mang kemikal upang magliwanag sa dilim. Hindi rin nawawala ang kakayahan ng halaman na magbigay liwanag hanggang sa malanta ito.
Kapag madilim ay naglalabas ng kulay asul at berdeng ilaw ang halaman. Sa ngayon ay hindi pa masyadong maliwanag ang ilaw na ibinibigay ng halaman kaya hanggang sa pagiging palamuti pa lamang ang maaring gamit ng ilaw na ibinibigay nito. Ngunit hindi rito titigil ang BioGlow dahil nag-aaral na sila ng mga bagong paraan kung papaano mas magiging maliwanag ang ilaw na ibinibibigay ng kanilang mga halaman.
Umaasa ang BioGlow na sa lalong madaling panahon ay mas magiging maliwanag ang ilaw na ibinibigay ng mga ito sa punto na puwede na silang pumalit sa mga poste ng ilaw sa mga kalsada. Kapag nagkataon makatutulong ang naimbento nilang halaman sa publiko na makakatipid mula sa mas mababang pagkonsumo ng kuryente dahil hindi na kailangang gumamit ng mga ilaw na de-kuryente.
- Latest