^

Punto Mo

Nanakit ang tainga matapos mag-swimming

DOCTOR’S TOUCH - Dr. Luis Gatmaitan M.D - Pang-masa

BAGO matapos ang summer vacation, tiyak na may huling hirit pa tayo sa pagtungo sa mga resort at beaches para makapag-swimming. Napakainit pa rin naman kasi ng panahon. Kaya marami pa ring kabataan ang nakararanas ng pananakit ng tainga dulot ng pagkapasok ng tubig sa loob ng tainga. Swimmer’s ear ang tawag natin sa kondisyong ito. Medi­cally, tinatawag namin itong “otitis externa” sapagkat apektado nito ang mga lining ng outer ear. Iba ang “otitis media” na mas kilala bilang luga sapagkat ang apektado nito ay ang middle ear (mas loob na bahagi ng tainga; doon sa likod pa ng bamban o eardrum).

Ang sinasabing lining ng ear canal ay nagtataglay ng mga glandulang nagpupundar ng ear wax o tutuli. May proteksyong dulot ito sapagkat bukod sa water-repellant ito, acidic din ito. Nakatutulong ito para malabanan ang pumasok na mga germs. Ang tubig na papasok sa tainga ay puwedeng makahugas sa protective coating na ito. Kapag hindi na acidic ang kanal ng tainga at naging mamasa-masa ito, madaling makapaninirahan ang mga germs.

Mas malamang na makakuha tayo ng swimmer’s ear kapag sa mainit na tubig at maruming tubig naligo kumpara sa kung naligo sa malamig na tubig o sa tubig na may halong chlorine gaya ng sa swimming pool).

Heto ang mga palatandaan kung may swimmer’s ear:

Nagsisimulang kumati o manakit ang tainga matapos mag-swimming

Ang pananakit ay mapapansin isa o dalawang araw matapos mag-swimming

May lumalabas na mabahong discharge sa tainga na nakakahawig ng sipon.

Subukang hatakin ang earlobe (ang bahaging nilalagyan ng hikaw) at tingnan kung makararamdam ng pananakit. Kapag maga ang ear canal, tiyak na mapapa-aray ang bata.

Heto ang tips para makaiwas sa swimmer’s ear:

Huwag gumamit ng ear plugs o bulak bago mag-swimming.

Huwag maligo sa maruming tubig

Kung nasa hot spring o sa hot bath tub, iwasang ilubog ang ulo

Matapos lumubog sa tubig, ibiling ang ulo sa isang bahagi at taktakin ito upang lumabas ang naipong tubig sa tainga. Gawin din sa kabilang bahagi.

Gumawa ng parang pabilog ng tissue paper at ipasok ito ng kalahating pulgada sa kanal ng tainga para masipsip nito ang natirang tubig sa loob

Puwede ring maghalo ng equal parts ng sukang puti at tubig. Pahigain ang bata. Gamit ang isang dropper, patakan ng 5 patak ng solution ang tainga. Hayaang magtagal ng isang minute, tapos hayaang mag-drain ito. Gawin din sa kabilang tainga. Magandang gawin ito tuwing matatapos mag-swimming.

EAR

GAMIT

GAWIN

HETO

HUWAG

KAPAG

TAINGA

TUBIG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with