EDITORYAL - ‘Libreng tikim’ ng shabu
NAKABABAHALA na ang pagkalat ng illegal drugs ngayon. Sa halip na mabawasan, lalo pang dumarami at kumakalat. Hindi kaya ang mga nakukumpiskang illegal drugs ng mga awtoridad ay binabalik sa kalye? Posible ito sapagkat may mga drug enforcers na naliligaw ng landas. Sa halip na sirain o tunawin ang shabu, ire-repak uli at saka ibebentang parang kendi sa kalye. Maraming tulak ngayon at walang anumang nauubos ang tindang shabu.
Kamakalawa, nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na may bagong gimik ang drug pushers ngayon para makaakit ng parukyano. Nag-o-offer sila ng “free taste†sa tinda nilang droga. Kapag natikman umano ang kanilang droga, hahanap-hanapin na ito at doon na magsisimula ang pagkasugapa. Patitikimin lang muna sa una at sa huli ay may bayad na.
Target ng mga salot na drug pushers ang mga estudyante. Sa isang linggo ay magbubukas na ang mga klase kaya inaasahang magiging abala ang drug pushers sa pag-aalok ng kanilang paninda. Madali umanong maakit ang mga estudyante na mag-shabu.
Pakilusin ng PNP ang kanilang mga tauhan para mabantayan ang mga estudyante sa university belt. Ngayong alam na ng PNP ang bagong gimik ng drug pushers, madali na nilang madadakma ang mga “salotâ€. Huwag nang hayaang mapatikim pa ang mga estudyante at agarang magsagawa ng paghuli sa mga nagpapakalat ng illegal na droga gaya ng shabu. Iligtas ang mga estudyante sa kuko ng drug syndicate. Hindi dapat masira ang kinabukasan ng mga kabataan. Durugin ang drug pushers!
- Latest