Iwas sa food poisoning
NAKAKAAWA po ang ganitong mga headline sa peryodiko, “27 katao nalason sa pagkain.†Kaya nga naghanda ako ng mga epektibong tips para makaiwas sa pagkalason.
1. Amuyin, tingnan at tikman muna. Kung amoy panis ang pagkain, huwag isubo. Kung lasang ipis, iluwa ito. Kung may itim-itim na mukhang dumi ng ipis, ipaalam agad sa waiter.
2. Piliin ang mainit na pagkain. Mas safe ang mga bagong lutong pagkain tulad ng kumukulong sabaw. Mainam din ang hot tea bilang inumin.
3. Piliin ang tuyo na pagkain. Mabilis masira ang mga ulam na may sarsa, lalo na yung may gata. Para safe, kumain na lang ng pritong karne o inihaw na isda.
4. Limitahan ang pagkaing may gatas. Madaling mapanis ang cheese whiz, cheese pimiento, may mayonnaise at buko salad. Kung di mapigilan ang sarili, kaunti lang ang kainin para kung may mikrobyo man, ay mabubuhay ka pa rin.
5. Huwag kumain ng hilaw. May mga nagpapasosyal sa medium rare na steak, yung may dugo pa. Naku, maraming bulate ang puwedeng mamuhay doon tulad ng mga beef and pork tapeworms. Lutuin maigi ang steak.
6. Piliin lang ang kakainin. Alam ko kapag handaan, hilig natin tikman lahat ng pagkain. Para bang wala nang bukas. Kaya lang, kung may panis na isang putahe ay siguradong damay ka, dahil kinain mo lahat eh. Para mas safe, kumuha lang ng iilang klase ng pagkain.
7. Bottled water ang inumin. Huwag magbakasakali sa tubig sa gripo. Hindi po ito safe at puwedeng magdulot ng typhoid, amoebiasis at cholera. Delikado po ito pag napuruhan kayo, puwedeng makamatay.
8. Huwag kumain ng tinda sa kalye. Alam kong masarap ang fish ball, queck-queck at Pinoy sorbetes. Kaya lang alam mo ba kung kani-kaninong laway na ang nakasawsaw sa sarsa ng fishball? At malinis ba ang mga kamay at kuko ng mga naghahanda ng pagkain. Isa pa, alam mo ba na 70% ng mga Pinoy ay may bulate sa tiyan? Totoo iyan.
Kaya mainam pa na kumain na lang sa bahay. Maghugas ng kamay bago at pagkatapos kumain. Gumamit ng sabon at kuskusin maigi ang kamay at kuko ng isang minuto. Turuan din ang mga anak ng kalinisan. Hugas kamay lang, iwas sakit na!
- Latest