KAPAG meron kang karamdaman o gusto mong magbawas ng timbang at inirerekomenda ng doktor o ibang mga health expert na kumain ka ng gulay at umiwas sa mga taba, maaalat na pagkain at mga tinatawag na red meat tulad ng karne ng baboy at baka, isang bagay ang hindi dapat kaligtaan. Dapat tiyakin na ang mga gulay na kakainin mo ay walang sangkap na bawal sa iyong kalusugan.
Kadalasan kasi, sinasangkapan ng mga maaalat at taba ang mga nilulutong gulay. Nakatatak na kasi sa isipan ng maraming tao at nakagisnan na sa maraming henerasyon ng ating lipunan na dapat may rekadong baboy ang mga gulay para magkalasa at sumarap ang mga ito. Hindi mo na lang namamalayan na, kahit may sakit ka sa puso o mataas ang iyong alta presyon o may sakit ka sa bato o diabetes, meron palang nakahalong taba ng baboy sa kinakain mong gulay. Nawawalan ng saysay ang pagdidiyeta o pag-iingat sa pagkain ng sinumang nagmamantini ng kanilang kalusugan kung ganito naman ang gulay na kinakain mo.
Isang halimbawa ang pinakbet na karaniwang karne ng baboy ang inihahalo. Kung hindi taba ng baboy, bagoong naman o dilis ang nakasingit na masama naman sa mga may sakit sa bato. Nariyan din iyong mga ginisang repolyo o toge, ginataang kalabasa, adobong sitaw, laing, langka, sigarilyas, sayote, pechay, chopsuey at iba pa na kadalasang hinahaluan ng karne ng baboy. Kadalasan ang ganyang mga luto sa mga kainan o karinderya sa labas o kahit sa mga restawran o kahit sa mga bahay dahil nga nakasanayan na ang pagsasangkap ng karne ng baboy sa mga nilulutong gulay. Mauuwi ka sa pakikipagtalo sa nagtitinda o sa kusinero kung maghahanap ka ng gulay na walang halong baboy.
Meron na namang mga alternatibo na ginagawa na rin naman ng iba sa panahon ngayon at masasabing kailangan lang ang pagiging malikhain para makapagluto ng mga gulay nang hindi na kailangang magsangkap ng mga mamantikain at maaalat. Nakakita na nga ako minsan ng ginisang toge na ang sangkap ay mga laman ng tahong. May nagluluto na rin ng ginisang repolyo na nilalahukan ng sardinas. Ang iba ay hinahaluan ng karne ng manok o hipon o isda o tokwa.
Ilang beses na rin akong nakarinig ng mga suhestiyon na huwag na lang kainin ang nakahalong baboy sa lutong gulay para hindi na problema ito. Pero paano iyong humalong katas ng baboy dito? Malaking abala naman kung iisa-isahin pang aalisin ang karne bago kainin ang gulay na nakahain sa harap mo. Parang nakakatawa pero bakit hindi na lang lutuin ang gulay nang walang halong red meat para wala ring problema?
Anuma’t anuman, dahil mahirap pang mabago ang nakakagawian ng buong lipunan pagdating sa sistema ng pagkain, nasa bawat indibidwal na rin siguro kung paano siya aangkop dito nang hindi masasakripisyo ang kanyang kalusugan.