Delikadesa ng lider, susi sa pag-unlad
KAHANGA HANGA ang mga lider ng ibang bansa dahil umiiral ang delikadesa at hindi kapit-tuko sa kanilang posisyon kapag nasasangkot sa anomalya o nagkaroon ng kapalpaÂkan sa kanilang gobyerno.
Gaya ng ginawang pagbibitiw ng PM ng South Korea na si Chun Hong-won dahil sa mabagal daw na pagresponde ng kanilang gobyerno sa mga biktima nang lumubog ng ferry.
Umabot na sa 200 tao ang namatay at 100 pa ang nawawala. Karamihan sa mga biktima ay mga estudyante na magtutungo sana sa Jeu Island para sa isang field trip. Ayon kay Chun, inaÂako niya ang responsibilidad sa mabagal na pagresponde at humingi na ng paumanhin sa pamilya ng mga biktima.
Nakakainggit ang ganitong lider. Dito sa Pilipinas ay kitang-kita na ang kapalpakan ng gobyerno sa pagresponde sa kalamidad ay wala man lang nagbitiw sa tungkulin. Sa halip magbitiw, nagtuturuan at nagsisisihan at hindi umaamin na sila ay pumalpak at naging pabaya.
Isang halimbawa ay ang pagtama ng Bagyong Yolanda na libo ang namatay. Batay sa mga ulat sa mga unang araw ng kalamidad ay naging mabagal ang pagresponde ng gobyerno pero walang umako at sa halip ay nagturuan ang mga opisyal.
Sa South Korea ay lumubog ang isang ferry pero isang PM ang nagbitiw pero dito sa Pilipinas, napakaraming barko na ang lumubog pero walang opisyal ang nagbitiw at umako ng responsibilidad. Ang masaklap, ilang taon nang naka-pending sa korte ang mga kaso at hindi pa naibibigay ang hustisya.
Kaya hindi nakapagtataka kung bakit patuloy na umuunlad ang South Korea dahil sa kalidad ng kanilang mga opisyal na madaÂling magbitiw kapag may kapalpakan at inaako ang kasalanan.
Dito sa Pilipinas, mayroon nang ebidensiya at testigo na sangkot sa anomalya ang opisyal pero walang plano magbitiw at iginigiit na sila ay walang kasalanan at kailangan daw dumaan sa due process.
- Latest