Ingat, ingat!
Ratsada na ang marami nating mga kababayan sa pagbiyahe o pagtungo sa mga lalawigan. Ito na ang huling araw ng pasok, kasunod na ang mahabang bakasyon kaugnay sa Semana Santa.
May ilan pa ngang mga tanggapan ang wala ng pasok sa araw na ito, ang iba half day na lang para mapagbigyan ang kanilang mga tauhan na maagang makabiyahe sa kanilang mga patutunguhan.
Kaya naman asahan na ang mabigat na daloy ng trapiko lalu na sa kahabaan ng Edsa dahil nga magsisimula na rin ang mega re-blocking ng DPWH. Masasabay ito sa mga magsisilabas patungo sa Southern at Northern part ng Metro Manila.
Bukod dyan, asahan na rin ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa paligid ng mga provincial bus terminal na siguradong dadagsain ng mga pasahero. Maging ang mga pantalan at paliparan, sigurado yan, dagsa ang mga magbibiyahe.
At kapag masikip sa tao, sigurado yan naman ang sasamantalahin ng mga kawatan na dapat nating maingatan.
Kailangan ang matinding pag-iingat na nagsisimula mismo sa mga magbibiyahe.
Sa mga magdadala ng sasakyan, hinay-hinay sa pagmamaneho. Tiyaking maayos ang kondisyon ng sasakyan bago isabak sa malayong paglalakbay. Maging ang mga reserbang gulong dapat na ma-check din bago ang lakaran.
Sa mga driver naman ng mga pampublikong sasakyan, dapat ring matiyak ang maayos na kondisyon ng imamanehong sasakyan. Laging isipin na maging maingat sa pagda-drive para sa kaligtasan ng inyong mga sakay.
Sa mga pasahero, ingatan din ninyo hindi lang ang inyong sarili kundi ang inyong mga dala-dalahan na baka magkawalaan o di kaya ay pag-interisan ng mga kawatan. Matindi ang siksikan sa mga terminal, naku wag ninyong lubayan ng tingin ang inyong mga gamit lalu na rin ang inyong mga kasamang paslit.
Hangad natin ang mapayapa at ligtas ninyong paglalakbay. Ingat!
- Latest