EDITORYAL - Matuturuan na ang mamamayan sa family planning
WALA nang hahadlang para ma-educate ang mamamayan sa pagpaplano ng pamilya. Ito ay matapos katigan ng Supreme Court ang kontro-bersiyal na Reproductive Health Bill o Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012. Ayon sa SC, ang RH Bill ay constitutional o naaayon sa batas. Ganunman, walong probisyon ng batas ang ni-reject ng SC. Sa pag-reject sa walong probisÂyon, natuwa na rin ang Simbahang Katoliko. Ang mga nakasaad sa walong probisyon ang tinututulan ng Simbahan.
Umabot nang 14 na taon bago tuluyang naisabatas ang RH Bill. Maraming naging hadlang bago naipasa. Maraming nagpapakalat ng maling kaisipan sa panukala. Isinusulong daw ng pamahalaaan ang abortion. Marumi ang ipinupunla sa isipan ng nakararami. Inililigaw ang nakararami sa tunay na hangarin ng panukala. Sa halip na maging maganda sa paningin, masama ang pinipinta rito.
Maraming taliwas na sinasabi sa tunay na layunin ng RH Bill. Hindi nila abot ang tatlong magandang hangarin na isinusulong ng RH Bill. Una ay ang mapangalagaan ang kalusugan ng ina, sanggol at bata. Ikalawa ay ang mabigyan ng kalayaan ang mag-asawa na matuto sa pagpaplano ng pamilya. Ikatlo, mapi-pigilan ang paglobo ng populasyon.
Walang nabanggit na abortion o pagpuksa sa buhay na nasa sinapupunan. Malayung-malayo sa hangarin na maisaayos at mapangalagaan ang kalusugan at buhay ng ina at sanggol. Ngayong nagpasya na ang Supreme Court, malaya nang makakapili ang mag-asawa sa pamamaraang nais nila para maiplano ang pamilya. At kung nakaplano na ang kanilang pamilya, dito magsisimula ang unti-unting pagbabago sa populasyon ng mga Pilipino. Sa kasalukuyan, 93-million na ang populasyon ng Pilipinas.
Ngayo’y wala nang hadlang para maimulat sa mga mahihirap ang maayos na pagpaplano ng pamilya. Magkakaroon na sila nang katalinuhan para mapaganda ang buhay. Katamtamang dami ng anak, malusog na pamumuhay at wala nang mamumuti ang mga mata dahil sa gutom.
- Latest