Nangawit ang likod sa pagtulog
MASAKIT ba ang inyong likod pagkagising? Maaaring ang iba sa inyo ay nakatulog sa isang posisyon sa buong magdamag kaya nangawit ang likod. O baka sobra ang lambot ng inyong kutson (halos lumubog ka na) kaya wala na itong kakayahang suportahan ang iyong likod.
Kapag bumisita sa tindahan ng mga kama, maaaring banggitin sa inyo ang orthopedic bed. Ito na ang karaniwang kamang ginagamit ngayon sa mga hotel at mga bahay. May konting lambot ito pero mararamdaman na firm ang suportang ibinibigay ng higaan. Kung madalas nang makaramdam ng pananakit ng likod gamit ang lumang kama, baka panahon na upang palitan ito ng orthopedic bed. Kailangan kasing napananatili natin ang tamang curvature ng gulugod (spine) kahit tayo ay nakahiga. Hindi at malambot na ang kama ay mabuti na ito para sa ating likod.
May mga nagrereklamo rin ng pananakit ng likod dulot ng pagbubuhat ng mga bagay na mabigat. Ano kaya ang tamang posture upang hindi maging gastado ang ating likod? Heto ang tips:
Mas mainam ang kama na medyo matigas kaysa sa sobrang lambot na kutson o water bed (sabagay, bibihira lamang ang waterbed sa Pilipinas). May katwiran ang ilang matatanda na mas gusto pang matulog sa sahig kaysa sa kamang malalambot.
Mas maiging matulog nang nakatihaya at nakaunat ang likod
Kung nakatihaya man, maglagay ng binilot na tuwalya sa lower back upang masuportahan ito. O maglagay ng isang unan sa ilalim ng alak-alakan. Sa gayong paraan, mapapanatili ang tamang kurba sa dakong lower back.
Kung nakatagilid natulog, maglagay ng unan sa pagitan ng mga tuhod
Kung nakadapang matulog at kumportable naman dito, okey lang ’yun. Pero kung mananakit ang leeg, iwasan ang ganitong posisyon.
Kung babangon sa pagkakahiga, tumagilid malapit sa gilid ng kama at baliin ang dalawang tuhod. Unahing ihulog sa gilid ng kama ang dalawang paa bago itaas ang katawan na paupo. Iposisyon ang paa katapat ng inyong puwit bago tuluyang tumayo. Sa pagtayo, muli’y panatilihin ang likod na nasa neutral position.
Ilapit sa katawan ang bagay na bubuhatin, kahit magaan lang ito.
Panatilihing nasa neutral position ang lower back at nakaunat naman ang upper back.
Huwag magbubuhat na ang puwersa ay nasa balakang.
Baliin ang magkabilang tuhod at hayaang ang mga braso at hita ang magbigay ng puwersa. Patigasin ang mga masel sa dakong puwit at tiyan para lalong masuportahan ang likod.
Huwag magbubuhat ng mabigat na bagay na mas mataas pa sa balikat.
Kung kailangang lumiko o mag-iba ng direksyon habang nagbubuhat, unahing iliko ang mga paa bago isunod ang likod. Huwag uunahin ang likod.
- Latest