‘Panimula lang yan’
DALAWANG daang takas na mga ‘Pinay’. Iba’t ibang kwento ng kanilang karanasan. Hindi pinasahod, sinasaktan…ang ilan may kinakaharap na mabigat na kaso. Ang iba naman ni-‘rape’ pa umano ng kanilang amo.
“Hindi ko maintindihan kung bakit kumukuha pa sila ng mga Pinay DH kung aabusuhin lang din naman nila,†pahayag ng isa sa daan-daang Pinay na DH na napadpad sa ating Embahada sa Kuwait matapos tumakas.
Siya si Jennifer Ybiosa o “Jennyâ€, 39 anyos ng Culiat, Quezon City. May dalawang anak sa naunang kinakasama si Jenny. Nasa edad 16 at 14 anyos na ang mga ito. May bago ng kinakasama ngayon si Jenny. Si Marco Mena, 24 anyos. May isa na rin silang anak. Taong 2008 nang unang magpunta sa Saudi Arabia si Jenny bilang Domestic Helper o “DHâ€.
“Dalawa kaming Pinay na DH sa dati kong amo. Inilipat kami ng employer, dun kami muntik ng ma-rape …†pag-alala ni Jenny.
Mula nun hindi na pinayagan si Jenny na mangibang bansa ng kanyang pamilya. Hanggang dumating ang taong 2012… pinaghahandaan na ni Jenny ang pagkokolehiyo ng kanyang dalawang anak. Nagsimulang maghanap ng ‘recruitment agency’ na nagpapapunta sa Hong Kong si Jenny. Nakarating siya sa Salas St., Malate Manila. Isang ahente ng Al-Masiya Overseas Placement Agency Inc. ang lumapit sa kanya at sinabing, “Sa Kuwait ka na lang. Libre na lahat Php13,000 ang sahod mo kada buwan.†Umiling si Jenny at sinabing, “Ayoko na sa Middle East galing na ako dun. Hindi naging maganda karanasan ko dun. Saka mababa pasahod.â€
Mapilit daw itong ahente kaya’t napasama siya sa opisina ng Al-Masiya. Bigla umanong kinuha ang passport niya at pinakausap sa may-ari nitong Arabo. Madalian lahat, nilakad agad ang mga dokumentong kailangan para makaalis si Jenny subalit mula ng Hulyo 2012 na binigay niya ang kanyang aplikasyon, Enero 2013 na siya nakaalis. Ang nakasaad sa kontrata tatlong bata ang aalagaan ni Jenny. Kikita siya ng Php12,000 kada buwan (80 KD). Pagdating dun pitong alaga ang sumalubong sa kanya. “Malaki ang bahay hanggang ikaapat na palapag. Tatlo kami dating DH dun. Isang pang Pinay, yung isa Indonesian…†kwento ni Jenny. Mula ng umalis ang kasama nilang Indonesian nag-iba na daw ang ugali ng kanilang babaeng amo. Kaunting pakakamali, minumura umano sila Jenny at kasamang si Evangeline Nieves. “Iniinsulto nila kami… sinisigawan,†ani nito. Habang tumatagal mas pumangit daw ang trato kina Jenny. Hindi na daw sila nito pinapakain.
“Bahaw lang ang kinakain namin. Minsan yung tira nila sa pinggan. Kahit prutas na nilalangaw pinakakain pa nila,†sabi ni Jenny. Dahil dito nagplano sila ni Evangeline na tumakas. Setyembre 2013, 8:00 AM, katatapos lang ng Ramadan,wala ang kanilang amo at tulog pa ang mga anak nito…umalis sila ng bahay. Tinulungan sila ng kapitbahay na Indian National at tinawag sila ng taxi para makapunta ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Kuwait… sa embahada.
“Bilin sa amin ng drayber wag kaming lilingon diretso lang ang tingin para ‘di kami mahalata,†ani Jenny. Maswerteng nakarating ng OWWA sina Jenny at ‘di nahuli ng motawa. Pagdating dun naabutan niya ang dalawang daan mahigit na Pinay Workers na tumakas din sa kanilang employer.
“Iba’t iba ang istorya namin. Nakakaawa talaga ang sitwasyon namin dun. Karamihan ng mga bata’t may itsura nagagahasa,†ayon kay Jenny. Isa sa naging malapit kay Jenny si Marichu Maaño, 35 taong gulang, dalaga.Tubong Samar. Panganay siya sa magkakapatid. Kasamang pumunta ni Jenny si Marichu sa aming tanggapan kaya’t naikwento din sa amin ni Marichu ang sinapit niya sa Kuwait. ‘Care giver’ si Marichu sa isang 29 na taong gulang na ‘special child’. Hawak siya ng ahensyang Master’s Int’l Placement Construction Services dito sa Pilipinas. Kumikita siya ng halagang Php16,000 kada buwan. Pinapakain, pinaliliguan, binibihisan, pinapasyal at minamasahe. Ito ang ginagawa niya sa kanyang alaga araw-araw. Wala na mang naging problema si Marichu mula ng magpunta siya sa Kuwait nung Disyembre 2012 hanggang napansin ni Marichu at isa pang Pinay DH na si Lyn Ortis na lagi ng ‘delay’ ang kanilang sahod hanggang apat na buwan na silang hindi pinasweldo. “Impossible naman silang magipit napakalaki ng bahay nila. Tatlong palapag at may elevator sa loob,†pagsasalarawan ni Marichu.
Ika-10 ng Setyembre 2013 nagdesisyon na silang tumakas ni Lyn. Ang ginawa nila nagsuot na ng damit pang-alis sa loob at ipinatong ang kanilang uniporme at inilagay ang mga gamit sa itim na ‘garbage bag’. Pag-alis ng kanilang amo sabay sibat din nila Marichu. Tumawag sila ng taxi at nagpahatid sa OWWA. Dito na sila nagkakilala ni Jenny. Kinasuhan si Marichu at Jenny ng kasong pagtakas (runaway). Dalawang buwan din silang namalagi sa embahada. Ika-21 ng Enero 2013 umattend sina Jenny, Marichu at ilan pang Pinay sa Training on Entrepreneurship Development, Financial Literacy and Business Planning sa POLO, Faiha, State of Kuwait. Ito ay para sa programa ng OWWA na “Balik Pinas, Balik Hanapbuhayâ€. Makakatanggap daw sila dito ng halagang Php10,000 pangkabuhayan. Ito ay para panimula nila ng negosyo ng mga tulad nila Jenny at Marichu na hindi natapos ang kontrata at nakaranas ng umano’y pang-aabuso. Pag-uwi nila sa Pinas kailangan nilang ipakita ang certificate at ang ‘travel documents’ sa OWWA at agad daw nila itong makukuha. Nobyembre 17, 2013 nakabalik ng Pinas sina Jenny. Parehong buwan agad nilang nilakad ang Php10,000 pangkabuhayan subalit hanggang ngayon wala pa rin silang natatanggap dahilan para magpunta sila sa amin.
Itinampok namin si Jenny at Marichu sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT†ng DWIZ882 KHZ, AM BAND (Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, para makumpirma kung may matatanggap ba talaga sina Jenny sa nasabing programa agad kaming nakipag-ugnayan OWWA. Nakausap namin si Zandro Almendrala, Overseas Workers Welfare Officer I at sinabing may matatanggap sila Jenny subalit kailangan nilang matapos ang dalawang training. Isang para sa Skills at isang ‘entrepreneurship’.
Ilan lang sina Jenny at Marichu sa mga kababayan nating Overseas Filipino Workers (OFW’s) na nakakaranas ng pang-aabuso sa kanilang mga amo sa ibang bansa na nagiging dahilan ng kanilang pagtakas. Taon-taon dumadami ang kanilang bilang kaya’t dapat magkaroon ng mabigat na solusyon dito. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038.
- Latest