Honor Code sa PMA
NATAPOS na ang graduaÂtion sa Philippine Military Academy (PMA) noong Linggo at hindi nakasama ang kontroÂbersiyal na si Cadet Aldrin Jeff Cudia. Nasibak si Cudia dahil sa umano’y pagsisinungaling hinggil sa kanyang pagka-late ng dalawang minuto sa klase. Ang pagsisinungaling ay pagÂlabag sa Honor Code.
Nakakahanga naman ang PMA dahil may ganito palang kahigpit na patakaran o Honor Code sa mga kadete subalit parang hindi naman nararamdaman kapag nagtapos at umakyat na sa ranggong heneral sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Tama ang pahayag ni President Noynoy Aquino sa kanyang talumpati sa graduation ceremony na ang honor ay hindi lang sa loob ng PMA kundi sa labas din na dapat sundin ng lahat.
Marami ang nagulat na napakahigpit pala sa PMA sa paghubog sa mga kadete para maging opisyal ng AFP at PNP. Hindi dapat kuwestiyunin ang patakarang ito partikular ang Honor Code sa mga kadete pero ang malaking tanong ay kung ganito rin ba kahigpit sa mga naging opisyal na umabot sa ranggong heneral na nasangkot sa pagsisinungaling at pagnanakaw sa pondo ng taumbayan.
Sana kung ang pagkahuli ng dalawang minuto ng kadete ay may katumbas na pagkasibak sa serbisyo dapat ay mas mahigpit pa ang batas laban naman sa mga opisyal o heneral ng AFP na nadawit sa katiwalian sa gobyerno.
Napakaraming heneral sa PNP at AFP ang nadawit sa katiwalian sa pondo ng bayan pero nananatili pa sa serbisyo dahil nakalusot sa kaso. Ang iba ay nakasuhan pero hindi pa nailalapat ang mas mabigat na parusa.
Inaasahan ng publiko na ang Honor Code ay mahigpit na ipatutupad sa mga kadete ng PMA at mga nagtapos dito. Kapag ang mga ito ay nadawit sa katiwalian, agad sibakin kahit pa hindi pa nadesisyunan sa korte ang kaso. Kung ipaiiral nang mahigpit ang Honor Code, malamang malinis na nang tuluyan ang PNP at AFP. Makatitiyak ang publiko na walang katiwalian.
Anuman ang magiging desisyon sa kaso ni Cudia, magsilbi sana itong panggising sa mga miyembro at opisyal ng AFP na may umiiral na Honor Code at dapat sundin ng lahat.
- Latest