Turista sa Puerto Princesa pakonti nang pakonti na!
ANG mga banyaga at lokal na turistang dumadayo sa Undergound River sa Puerto Princesa City, Palawan, ang bumubuhay ng ekonomiya ng nabanggit na lugar. Kabilang ang Underground River sa 8 Wonders of the World. Nagaganyak ang mga turista sa iba’t ibang klaseng tour sa mga islands, beaches at iba pang tanawin sa Puerto Princesa kaya handa silang ubusin ang kanilang pera sa ilang araw na pamamalagi nila. Subalit nitong nagdaang mga araw, mukhang pakonti nang pakonti ang bilang ng turistang dumadayo sa Puerto Princesa. Sinabi ng mga kosa ko, sa nagdaang anim na buwan, 26 commercial flights araw-araw ang turistang dumadayo sa siyudad subalit nitong nakalipas na mga araw, aabot na lang sa walong flights. Nitong nagdaang linggo, nagkaroon ng 10 flights subalit dahil ito sa summer na at nag-umpisang mag-uuwian na ang mga estudyante galing Metro Manila. Anyare Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron Sir? Baka kulang lang si Mayor Bayron ng mga programang makaka-attract ng maraming turista? Ano sa tingin n’yo mga kosa?
Sinabi ni Becky Labitin, ang Region IV Tourism director na ang tourism growth ng Puerto Princesa ay bumaba ng 5 percent nitong nagdaang taon kumpara sa 30 percent growth noong 2012. Dahil sa mababang bilang ng turista na dumadayo sa Puerta Princesa, nagdulot ito ng kalugian sa mga negosyo at kawalan ng employment, lalo na sa aspeto ng lokal na transportasyon, retail, hotels at restaurants, at native craft na ikinabubuhay ng mga residente. Ayon naman sa negosyanteng si Al Babao, ang mga bagong tayong malls ay maraming bakanteng espasyo, samantalang ang mga bukas naman ay nagbabalak na magsara dahil sa kararampot na umiikot na pera. Sinabi pa ni Babao, na nagnegosyo sa Puerta Princesa mula pa noong 1986, na may malalaking investors galing sa Maynila na umatras pansamantala at inantay munang umangat muli ang ekonomiya bago sila magbuhos ng kapital sa siyudad. Ano ba ‘yan?
Sinabi pa ng mga kosa ko na wala naman kasing manufacturing industry sa Puerto Princesa kaya ang ekonomiya nila ay gumagalaw lang sa turismo. Ano kaya ang gimik ni Bayron para mabago ang takbo ng negosyo sa Puerto Princesa? Teka baka bokya? Hehehe! Baka mag-alsa na ang mga residente ng siyudad laban kay Bayron ah?
Dati, bukambibig hindi lang ng mga Pinoy kundi maging ng mga dayuhan ang Underground River at sa katunayan dinumog ito matapos madeklarang 8 Wonders of the World. Pati nga pamilya ko ay dumayo sa siyudad dahil excited nga kami na makarating hindi lang sa Underground River kundi pati ang island-hopping. Kung sabagay, may oras pa si Bayron para baliktarin ang sitwasyon ng turismo sa Puerto Princesa. Umpisahan mo na Mayor Bayron Sir! May karugtong!
- Latest