^

Punto Mo

EDITORYAL - Aksidente sa sasakyan: No. 5 killer

Pang-masa

SUNUD-SUNOD ang mga nangyaring aksidente sa sasakyan. Noong nakaraang Biyernes, nahulog sa bangin ang Florida Bus habang palusong sa kurbadang bahagi sa Bontoc, Mountain Province. Nawalan umano ng preno ang Florida. Labing-apat na pasahero ang namatay. Kinabukasan, isang overloaded na pam­pasaherong jeepney ang nahulog din sa bangin sa Licuan-Baay, Abra na ikinamatay ng limang pasahero. Ang jeepney ay may 52 pasahero! Nawalan din ng preno ang jeepney.

Noong nakaraang taon ay marami ring aksidente sa sasakyan ang naganap na ikinamatay din nang ma­raming pasahero. Nagdayb ang Don Mariano Transit Bus sa Skyway noong Disyembre 16, 2013 na ikina­matay ng walong pasahero. Bago iyon, may isa pang bus na nahulog din sa malalim na bahagi ng STAR Toll Way sa Batangas City na ikinamatay ng dalawang pasahero. Noong 2011, naitala ng Metro Manila Develop­ment Authority (MMDA) ang 77,110 aksidente sa kalakhang Maynila.

Kung kukunin ang bilang ng mga namatay dahil sa mga nangyaring aksidente sa sasakyan, nakapanggigipuspos sa dami. Maraming buhay ang nasayang dahil sa aksidente. Karaniwang ang dahilan ng aksidente ay ang mechanical trouble ng sasakyan. Mayroong nawalan ng preno at mayroon din namang dahil sa kapabayaan at kamangmangan ng driver. Napakasakit isipin na namatay ang mga pasahero dahil sa kawalan ng sapat na maintenance ng sasakyan. Nakakainit ng ulo na kaya maraming namatay na pasahero ay dahil sa kamangmangan o walang kasanayan ang driver.

Hindi na nakapagtataka kung ang aksidente sa sasakyan ay number 5 killer sa bansa sa kasalukuyan. Mas marami pa umanong namatay sa aksidente kaysa sakit na diabetes at TB.

Maiiwasan ang aksidente kung ipatutupad ng LTFRB­ ang pagwalis sa mga lumang sasakyan. Huwag­ nang hayaang makapasada. Maiiwasan din ang aksidente kung isasaayos ang mga kalsada na may mga kaukulang babala. Tutukan din naman ang pagsasanay sa mga bus driver. Huwag bigyan ng lisensiya ang mga bus driver na walang kasanayan sa pagmamaneho.

AKSIDENTE

BATANGAS CITY

DIN

DON MARIANO TRANSIT BUS

FLORIDA BUS

HUWAG

NOONG

PASAHERO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with