EDITORYAL - Durugin ang sagabal
SI President Noynoy Aquino na rin ang nagsabi na hindi siya papayag na masira ang usapang pangkapayapaan sa Mindanao dahil lamang sa panggugulo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Abot-kamay na aniya ang permanenteng kapayapaan sa rehiyon. Kaya mahigpit ang utos niyang wasakin ang sinumang hahadlang dito.
Nakapagtataka lang kung bakit itinigil ng military ang opensiba sa BIFF makaraang makubkob ang isang kuta sa Maguindanao. Isang araw makaraang itigil ang opensiba, nagpasabog ng bomba ang BIFF sa gilid ng kalsada sa Maguindanao. Ilang miyembro ng media at sibilyan ang nasugatan. Sumunod na araw, muling nagpasabog ang BIFF at pinuntirya muli ang media at mga sibilyan. Mabuti at walang nasugatan o namatay.
Naging kumpiyansa ang military at inakalang mahina na ang BIFF kaya itinigil ang opensiba. Malaking kamalian ang kanilang ginawa na hindi pa napipilay nang husto ang BIFF ay tinigilan na ang pagsalakay. Ang masyadong pagtitiwala at pagrerelaks ang nagi-ging dahilan kaya nalulusutan ng mga kaaway.
Nakapagtataka rin na wala silang maiharap na mataas na pinuno ng BIFF. Nasaan ang pinunong si Ameril Umra Kato at kanang kamay nito na si Muhaiden Animbang. Kasunod ng mga pagpapasabog, nagbanta ang BIFF na magkakaroon sila ng pagsalaÂkay sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod.
Sinabi ng military na kakaunti ang mga tauhan ni Kato. Kung kakaunti, bakit hindi pa sila i-neutralize. Ang mga banta sa seguridad ng bansa ay hindi na dapat binibigyan pa ng pagkakataong dumami o makapag-recruit. Mga menor-de-edad na lalaki ang ni-recruit ng BIFF para gamitin sa kanilang pakikipaglaban. Kapag hinayaan ang BIFF, tiyak na darami ang mga ito at mahihirapan nang durugin. Hindi na dapat palampasin pa ang ginagawa ng BIFF. Durugin sila!
- Latest