^

Punto Mo

‘Usaping manggagawa’

- Tony Calvento - Pang-masa

LABINGDALAWANG buwan kang nagtrabaho at naging masipag ka. Pagdating ng Disyembre inaasahan mong may makukuha kang pera na dapat naman talagang ibigay sa iyo.

“Kumpleto na ang listahan ko ng bibigyan ko ng regalo, nagtabi na rin ako para sa aming Noche Buena at pati na rin sa aking mga inaanak. Dumating ang Disyembre sira lahat ang plano ko dahil walang iniabot samin ni isang ku-sing na 13th month pay,” simula ni Jorge. Nagtatrabaho bilang ‘security guard’ ang limampung taong gulang na taga Novaliches, Quezon City na si Jorge Bique. Marso ng taong 2013 nang mag-apply si Jorge sa Asian Treasure Security Agency Inc. Sa Emilio S. Lim Appliances sa Cavite ang kanyang duty. Sampung oras ang trabaho ni Jorge. Dalawang daan at tatlumpung piso ang kanyang sahod kada araw. Higit na mababa sa ‘minimum wage fare’ na itinakda ng ating Department of Labor and Employment (DOLE).

“Naisip ko na kesa wala akong kita pumasok na lang ako. Napilitan akong pumayag kahit dehado,” ayon kay Jorge. Pagsapit ng Disyembre nakiusap ang kanyang employer na magdagdag ng dalawang oras na pagtatrabaho dahil marami raw kostumer. Nagtanong si Jorge sa kanyang ahensiya kung mababayaran ba siya sa dagdag na oras. Nakausap niya ang taga ‘accounting’ na si Ms. Jen. “Ang kliyente ang magbabayad,” sagot ni Ms Jen. “Parang lumalabas na umiiwas sila sa obligasyon,” pahayag ni Jorge.

Buong buwan ng Disyembre ay dose oras umano siyang pinagtrabaho. Wala daw siyang day-off at nakakapahinga lamang kapag holidays. Sa siyam na buwan niyang panunungkulan ay wala umano siyang natanggap na 13th month pay. “Wala pang advice ang may-ari ng agency,” madalas umanong sagot sa kanya ni Ms. Jen kapag siya’y nagtatanong. Enero 2, 2014…tumawag sa kanya ang taga ‘operations’ ng kanilang ahensiya na si Carol. Pinapupunta siya sa opisina at sinabing “Bibigyan ka ng kalahati ni Ma’am.” Hindi nagpunta si Jorge sa itinakdang petsa ng nakausap niyang si Carol. “Alam ko na ang mangyayari, pakikiusapan ka na huwag silang idemanda. Lampas na ang Pasko bakit kalahati lang ang ibibigay nila?” wika ni Jorge. Gustong makuha ni Jorge ang kanyang ‘overtime pay’ at 13th month pay kaya siya nagtungo sa aming tanggapan.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, tumawag kami sa ahensiyang may hawak kay Jorge. Nakausap namin ang isang staff doon na si Ms. Jennifer Martinez. Ayon sa kanya nagkausap na daw sila ni Jorge at mukhang hindi umano nito naunawaan ang kanyang sinabi. “Sabi ko sa kanya maliit lang ang kontrata namin doon sa kliyente kaya hindi 13th month ang maiibigay namin. Bonus lang,” sabi sa amin ni Jennifer.

Ganito din ang inilapit sa amin ni Maylene Glodo, 26 taong gulang. Hindi rin umano nila nakuha ang cash bond at 13th month pay ng kanyang asawa na si Amancio Glodo. Naging ‘factory worker’ si Amancio at ang ahensiyang Points Business Industrial Services Inc. ang humawak sa kanya.“Per kontrata ang asawa ko. Ang huli niyang napasukan ay ang gawaan ng bakal,” kwento ni Maylene. Ika-31 ng Mayo 2013 natapos ang kontrata ni Amancio. Ang cash bond na kinaltas sa kanya sa una niyang sweldo ay hindi ibinigay ng ahensiya. “Pagdating ng Disyembre nag-follow up kami para sa 13th month ng mister ko,” wika ni Maylene. Nangako naman umano ang mga ito na aayusin nila ang 13th month ni Amancio. Hindi tumigil sa kakatawag ni Maylene para malaman ang status ng inilalapit nila.

“Sabi nila pagkatapos daw ng mahal na araw namin makukuha,” salaysay ni Maylene. Si Mervin umano ang nakausap doon ni Maylene. “Isang libo lang ang cash bond pero pinaghirapan ng asawa ko yun at isa pa may sakit ang tatay niya at kailangan namin ng pampagamot,” ayon kay Maylene.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag tumawag kami sa Points Business Industrial Services Inc. Nakausap namin si Mr. Melvin Popioco. “Nakausap ko na ang asawa niya. On-cash na daw yun, kailangan lang hintayin dahil hindi laging nagpupunta ang accounting,” wika ni Mervin. Paliwanag niya rin na-delay umano ang filing ng mga papeles ni Amancio dahil ang naghawak nito ay nagbitiw na sa tungkulin. Meron daw silang dalawang uri ng empleyado ang active o yung nagtatrabaho pa sa kanila at yung inactive o mga nagresign o tapos na ang kontrata. “Yung mga active nakuha nila ang kanilang 13th month bago mag December 24 at ang mga inactive naman kailangan nilang i-file yun ng November hanggang December,” salaysay ni Melvin. Ganito umano ang kanilang proseso at sinabihan niya daw si Maylene na kung gusto nitong daanin sa legal ay magreklamo sila sa Department of Labor and Employment (DOLE) at haharapin nila sina Maylene doon.

“Kasalanan ko din naman dahil hindi ko na-review ang mga papel. Siya lang ang hindi nabigyan,” pahayag ni Melvin. Maiibigay umano ang cash bond sa katapusan ng Enero at pagkatapos pa daw ng mahal na araw ang 13th month pay.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Jorge at Maylene.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nang panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino ipinag-utos niya na lahat ng manggagawa ay dapat makatanggap ng 13th month pay kung sila’y nagtrabaho ng hindi bababa sa isang buwan. Ikinatuwa ito ng lahat dahil ang Disyembre dun mo kailangan ng pera para mapasaya ang iyong pamilya, mahal sa buhay at mga inaanak upang mabigyan ng kahit na konting regalo.  Ngunit iba ang nangyari kina Jorge at Amancio. Natapos na ang pasko at bagong taon hindi pa rin nila nakukuha ang benepisyong dapat matanggap. Malinaw na nilabag ng parehong ahensiya ang pagbibigay ng 13th month pay dahil hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap. Maaari silang magsampa ng reklamo sa National Labor and Relations Commission (NLRC) para makuha ang nararapat. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

vuukle comment

13TH

AMANCIO

DISYEMBRE

JORGE

MAYLENE

MONTH

NAKAUSAP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with