‘Pagbebenta ng katawan sa internet’
Mainit na isyu ngayon na naging headline at laman ng mga telebisyon at malalaking dyaryo ang pagbebenta at pagbibilad ng katawan sa internet o cybercrime.
Hindi na ito bago sa BITAG. Pero lumalabas sa mga awtoridad, ang ganitong underground industry, ngayon lang nila nasagupa.
Pinagpipistahan ng mga dayuhang pedophile ang katawan ng mga batang ibinubugaw sa internet.
Karaniwang mga batang may edad apat hanggang 16 ang mabentang cybercrime performers.
Sila ‘yung mga nagbibilad at nagbebenta ng katawan sa harap ng kamera gamit ang ilang mga sex toy.
Ang masaklap pa rito, mismong mga walang kuwenta at swapang na mga magulang pa ang nagbubugaw sa kanilang mga anak.
Hindi naman daw sila mabubuntis kaya ayos lang at ginagawa nila silang pagkakakitaan.
Noon pang 2006 aktibo ang ganitong uring aktibidades. Maraming ganitong uring kasong tinutukan ang BITAG.
Sa aming pag-iimbestiga at pagdo-dokumento, nagkainteres din ang ilang mga dayuhang malalaking telebisyon mula sa Netherlands at Germany na ikober ang aming grupo.
Aktibo ngayon ang mga awtoridad sa United States at United Kingdom na matuldukan ang cybersex activity sa Pilipinas partikular ang mga nasa barong-barong.
Sumasabay naman sa agos ang mga awtoridad sa bansa sa pag-iimbestiga at pagresolba ng kaso.
Ibig sabihin, kung hindi pa nag-ingay ang mga dayuhang awtoridad, hindi magpupursiging kumilos ang ating pamahalaan.
Malaking sampal ito sa Pilipinas.
Kasalatan at kahirapan ang ugat ng sinasabing cottage industry na ito.
Hangga’t may mga salat sa pagkain, pangangailangan at kaalaman, mayroon laging kakapit sa patalim magkaroon lang ng laman kanilang mga nangangalam na sikmura.
Ang problemang ito ay malaking hamon sa ating pamahalaan.
- Latest