‘Luma at bulok na bigas’
MAG-INGAT sa mga nagkalat na ibinibentang bigas sa mga pampublikong pamilihan.
Habang kasagsagan ng kontrobersiya ng talamak na rice smuggling, pasimpleng isinasabay din ng mga smuggler ang kanilang aktibidades.
Nililito ang taumbayan sa pamamagitan ng pagsusuplay at paglalabas ng mga naluma at nabulok na bigas sa kanilang mga warehouse.
Inaakala nilang mamamaniubra nila ang pamahalaan partikular ang mga nasa sektor ng agrikultura.
Ayon sa National Food Authority, matagal na nilang idinispatsa ang mga luma at bulok nilang bigas dahil hindi na ito puwedeng kainin ng publiko.
Dahil sa nakaumang na pangamba sa kalusugan ng taumbayan, nitong nakaraang araw naglabas ng babala ang ahensya hinggil sa isyu.
Gamit mismo umano ang mga sako ng NFA, garapalang ibinibenta ng mga rice dealer at retailer sa mga pampublikong pamilihan ang mga unfit for human consumption na bigas.
Subalit dahil sa kasakiman at pananamantala nila, tuloy lang ang kanilang negosyo.
Wala silang pakialam kesahodang manganib ang kalusugan ng mga makakakain ng mga maikukunsidera ng “kaning-baboy†na bigas. Basta ang mahalaga sa kanila, kumita.
Nauna nang sinabi ng ahensya na ang ganitong aktibidades ay paninira at pananabotahe lang ng mga smuggler para palabasin na may kakapusan at kakulangan ng bigas sa bansa.
Hinihikayat ng NFA na i-report ang anuman at sinumang masusumpungang sangkot sa pagbebenta ng mga dapat matagal ng itinapon o idinispose na bigas.
Malaki ang kontribusyon ng publiko upang matuldukan ang ganitong operasyon at mahuli ang mga nasa likod ng nasabing modus.
- Latest