‘Walang kasiguruhan’
SUMALOK ka ng sumalok ng tubig sa banga subalit huwag mong sairin para sa pagdating ng tagtuyot may pagkukunan ka pa.
Ganito ang nasa isipan ng mag-asawang sina Zenaida at Jose Beltran Jr., taga Bacoor, Cavite. “Sisingilin niyo kami ngayon kung kelan bed ridden na ang asawa ko? Saan kami kukuha ng pambayad? Akala namin kumuha kami ng retirement plan para sa aming pagtanda para meron kaming aasahan yun pala ay wala,†pahayag ni Zenaida.
Disyembre ng taong 1991 nang mag-apply para sa ‘life insurance’ si Jose sa PhilAm Life Insurance. “Sabi nila sampung taon magbabayad. May mga kasama pa yung riders at kapag nakompleto na, habang buhay na siyang insured,†kwento ni Zenaida. Ang mga ‘riders’ o yung mga karagdagang benepisyo ay iba daw ang bayad. Kabilang dito ang accident, medical at hospitalization. Tatlong daang libong piso umano ang halaga ng insurance na kanilang binibili. “Sa oras na tumaas ang sweldo ng asawa ko ikinuha niya na ako. Isinunod niya na lahat ng mga anak namin bilang paghahanda,†salaysay ni Zenaida.
Ang pagkakaintindi umano ng mag-asawa ay kailangan lang nilang tapusin ang sampung taong pagbabayad nang sa gayon ay habang buhay na silang insured. Nang magkasakit si Jose natulungan sila ng PhilAm Life sa pagbabayad sa ospital at ilang operasyon. “Nung ika-13th year namin mula ng ma-avail namin ang insurance may dumating na collection letter. Pinagbabayad ulit kami ng premium,†wika ni Zenaida. Ang ibinigay umanong dahilan ng PhilAm Life, tumaas ang lahat ng bilihin at ang tinatawag na cost of living (inflation) at kapag may pagtataas ay bumababa ang interest ng dividendo na nakukuha nila sa kanilang insurance. Sumulat sa PhilAm Life ang kampo nina Zenaida at kinukwestiyon nila ang muling paniningil gayung tapos na silang magbayad ng kanilang insurance.
“Pagkasulat namin hindi na sila naningil para sa pagbabayad ng bagong premium,†pahayag ni Zenaida. Ilang taon lamang ang nakalipas may natanggap ulit silang sulat ng sa parehong dahilan. Nang animnaput dalawang taong gulang si Jose tumaas ang kanyang sugar. Lumapit sila sa PhilAm Life para sa benepisyong kalakip ng kinuha nilang seguro. Nadismaya ang mag-asawa, wala na umano silang makukuha dahil pagtuntong ng annimnapung taong gulang ng miyembro, lahat ng ‘riders’ ay mawawala na at ang life insurance na lang ang matitira. “Sumulat ulit kami at tinatanong namin bakit wala na ang mga riders at kung bakit kami lang ang magbabalikat ng inflation. Tapos na kaming magbayad at wala kaming palya kada taon,†kwento ni Zenaida. Napag-alaman din nila na noong unang beses ng paniningil ay nagkaroon sila ng ‘automatic loan’ at umabot ito ng Php30,000.
Sumagot ang PhilAm Life sa kanilang liham noong ika-23 ng Agosto 2013. Ang insurance na inavail nina Jose ay may mga riders na ‘Hospital and Surgical benefit, Waiver of premium in case of disability hanggang 60 taong gulang, at Accidental Death Benefit of Php300,000 hanggang 70 taong gulang. Binibigayan sila ng tatlong mapagpipilian: 1. Cash Surrender Value, halagang Php105,301.25 ang pwede nilang makuha. 2. Reduced paid-up, ang cash surrender value ay magagamit bilang net single premium para makakuha ng paid-up insurance para sa parehong seguro bilang orihinal na palakad pero sa mas mababang halaga. Sa ilalim ng option na ito, maaari kang kumuha ng insurance na nagkakahalaga ng Php205,206.71. Ang lahat ng riders kung mayroon ay mawawala at ang 3. Extended Term Insurance, ang cash surrender value ay gagamitin bilang net single premium para makakuha ng limitadong termino ng insurance. Ang kabuuang masasakop na mabibili sa ilalim nito ay Php293,097.31 at ang mga riders ay mawawala.
“Masyadong unfair. Kapag hindi kami pumili ng isa man sa option na yun magkakaroon kami ng automatic loan,†pahayag ni Zenaida. Gusto ng mag-asawa na ituloy na lang ang kanilang insurance at hindi na sila magbabayad. Nabayaran na nila ito ng buo at kung kailan tapos na saka sila hahabulin para papiliin sa tatlong option na ibinigay sa kanila. Wala na din silang mapagkukunan ng ipambabayad dahil pareho na silang retirado. Ito ang dahilan ng paglapit nila sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito nina Zenaida at Jose.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nakipag-merge ang PhilAm Life sa PhilPlans. Ayon sa aming legal adviser na si Atty. Marissa Manalo, suriin ninyong mabuti ang mga nakasulat sa kontratang inyong pinanghahawakan. Ang dapat na bumalikat ng inflation ay ang mga miyembrong hindi pa nakakabayad ng buo at hindi yung kompleto na ang hulog. Kung may mga nilabag sila sa inyong kasunduan o pinirmahang kontrata maaari kayong maghabla ng ‘Breach of Contract’ laban sa kanila. Subukan niyo rin munang makipag-ugnayan sa mga namamahala nito upang maging malinaw ang usaping ito. Hindi naman siguro patas na ang isang miyembro na nagbayad ng maayos kung kailan tumanda at naka-wheel chair ay saka pipiliting magbayad o pumili para sa segurong nabili nila ilang taon na ang nakakalipas. Bilang tulong ini-refer namin sila kay Deputy Commissioner Vida Chong ng Insurance Commission para tawagin ang representative ng PhiAm Life at magkaroon sila ng case conference kasama sina Zenaida at Jose. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.
- Latest