Tapos na ang kapaskuhan at ngayon nga ang matinÂding pinaghahandaan naman ay ang selebrasyon ng Bagong Taon.
Hindi maikakaila na mas marami na ang talagang pinag-hahandaan ay ang pagsalubong sa Bagong Taon. Dito talaga nila binubuhos ang lahat para na rin daw masaganang masalubong ang papasok na taon.
Dito hindi lang pagkain ang talagang bonggang pinaghahandaan kundi maging ang mga pailaw, paputok, lusis at iba pang magpapaingay at magpapaliwanag sa pagsalubong sa bagong taon.
Ilang araw bago ang pagdiriwang siguradong unti-unti nang makakarinig ng mga paputok.
Nagsisimula na rin dumagsa ang mga mamimili ng firecrackers sa lalawigan ng Bulacan.
Mas masayang maituturing ang selebrasyon ng media noche kumpara sa noche buena, pero ang nakakatakot nga lang ay ang mga naglalakasang paputok at mga indiscriminate firing na ginagawa ng mga pasaway.
Nito pa nga lang nagdaang kapaskuhan, base sa tala ng PNP may lima katao na ang tinamaan ng ligaw na bala sa ibat-ibang lugar sa bansa, habang 39 na ang naitalang nasugatan dahil sa paggamit ng mga ilegal na paputok.
Taun-taon na lang ang paalala ng mga kinauukulan ukol dito, pero siyempre talagang may matitigas ang ulo.
Mas nakakatakot naman ang mga ligaw na bala na hindi mo malaman kung saan magmumula o tatama.
Sana naman ay maging responsable ang mga may hawak ng baril na huwag nang mangating gamitin ang kanilang armas at sumabay ng putok sa pagdiriwang ng bagong taon. Sana ay makonsensiya naman sila sa kung sino ang pwedeng tamaan nito.
Mas masayang magdiwang kung walang kaakibat na anumang disgrasya at kapahamakan.