Arrival area walang CCTV!
Matindi ang naganap na pamamaril sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kung saan apat katao ang nasawi at maraming iba pa ang nasugatan.
Patay sa insidente si Labangan Zamboanga del Sur Mayor Ukol Talumpa, ang misis at pamangkin nito.
Si Talumpa ang tinarget ng dalawang lalaking lulan ng motorsiklo sa Bay 3 ng arrival area at ang masakit pa nito nadamay at nasawi rin sa naturang pamamaril ang 18-buwang paslit.
Maraming iba pa ang nadamay at nasugatan sa insidente.
Nakakaalarma ang ganitong pangyayari sa mismong lugar na halos araw-araw at dagsa ang tao, lalu na nga ngayon at pari’t-parito ang dumarating at umaalis dahil sa holiday seasons.
Malayang nakatakas ang mga suspect matapos ang isinagawang krimen.
At eto pa ang isang masakit sa pangyayari, wala palang nakakabit man lang na CCTV sa naturang lugar, isipin pang ito ay international airport. Kahit pa sabihing nasa labas na, eh bahagi pa rin ito ng compound ng paliparan na dapat maiging mabantayan.
Nakapagtatakang walang CCTV na maaari sanang nakasaksi sa pangyayari at baka nga makahagip pa sa itsura ng mga suspect.
Malaking bagay sana kung may CCTV sa lugar kahit papaano ay makakatulong ito sa isinasagawang imbestigasyon para sa ikalulutas ng kaso.
Bakit nga ba wala?
Ayon sa airport official, baka sa susunod na taon pa sila makapagpakabit.
Ano ba naman yan.
Huwag nilang sabihing walang pondo o pambili nito, dahil kahit nga ordinaryong karinderya, bakery at mga maliliit na internet shop ay nagagawang makapagpakabit ng CCTV, eh bakit ang ating airport eh wala.
Napaghuhuli na ba talaga tayo sa maayos at ligtas na paliparan, kaya nga tayo nababansagang isa sa may ‘worst airport’sa mundo.
Ngayong nangyari ang ganitong insidente, pihadong maghihigpit nang husto sa security sa lugar, pero pagtagalan malamang balik sa dating gawi.
Pero ang dapat talagang agad na magawan dito ng paraan ay magkabit ng mga CCTV sa paligid na kahit na mumurahin lang basta merong nakabantay man lang.
- Latest
- Trending