^

Punto Mo

Maynila, naiwanan sa kangkungan

SUPALPAL - Non Alquitran - Pang-masa

KUNG ang Mandaluyong ay tinaguriang Tiger City, itong Maynila naman ay tinatawag sa ngayon na Tent City. Kaya lang mga kosa, kung ang liderato ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos ay kaliwa’t kanan ang parangal at papuri ang tinatamasa dahil sa robust economy ng siyudad, itong Maynila naman ay naiwanan sa kangkungan sa pamumuno ni Mayor Erap Estrada. Bilyon na ang negosyong pumasok sa siyudad ni Abalos kaya tinawag sila na Tiger City subalit sa Maynila may nabalitaan ba kayong mga negosyo na pumasok mga kosa? Baka me kasagutan para kay Erap ang kaibigan niyang negosyante na si Jaime Dichavez? Kung sagana ang taga-Mandaluyong sa mga proyekto gawa ng bilyon nilang pondo, ang Maynila naman ay halos hindi makausad dahil sa P3.5 bilyon nitong utang. Kaya purihin si Abalos mga kosa subalit si Erap ay ismiran na lang ng mga Manilenyo. Hehehe! Ano ba ‘yan?

Sinabi ng mga kosa ko na hindi ang kapakanan ng mga Manilenyo ang nasa isipan nitong tandem nina Erap at Vice Mayor Isko Moreno at mga alipores nila kundi ang sarili nilang bulsa. Kaya kahit ano pa ang gagawin ni Erap hindi na makabangon itong Maynila, lalo na ang mahihirap na umiidolo sa kanya, dahil puro pitsa-pitsa lang ang nasa isipan nila. Balik na ang mga terminal, yumabong ang mga pasugalan at vendors at kung anu-ano pang pagkakitaan na hindi naman napupunta sa kaban ng City Hall kundi sa bulsa ng mga opisyales nito at ng Manila Police District (MPD). Kanya-kanyang raket ang kampo nina Erap at Isko para matustusan ang mga bisyo nila na magpalamig sa mga hotel. Sana ‘wag magawi sa casino sina Erap at Isko at tiyak dadapa pang lalo ang Maynila, di ba mga kosa? Mismo!

Sa ngayon mga kosa, mag-ikot kayo sa lahat ng sulok ng Maynila at mapupuna n’yo ang nag­lilipanang mga tent na mayroong kulay puti at orange. Ang puti mga kosa ay makikita n’yo sa nilalangaw na Baywalk, at ang anak ni Erap na si Jude ang itinuturo ng mga kosa ko na nasa likod nito. Ang bayaran sa tent, ayon sa mga kosa ko, ay aabot sa P30,000 sa buong Christmas season. Sana sa City Hall napunta ang upa ng mga negosyante sa Baywalk, ‘yan ang panalangin ng mga kosa ko. Ang orange tent naman mga kosa ay itong sina Noli Sugay at Jerry Escultor ang may pakana. Maraming orange tent sa Divisoria at sa mismong paligid ng City Hall, at mabibili ito sa halagang P4,000 at ang mga vendors ay magbabayad pa ng P300 daily bilang protection money. Pero itong puti at orange tent ay ligtas sa huli ng mga bataan ni Chief Supt. Isagani “Boy Tuwalya” Genabe at Chief Insp. Bernabe Irinco ng MASA. Hehehe! Kanya-kanyang raket lang ‘yan!

 

Sa Chinatown district naman, ang goodwil ng mga vendors na walang tent ay P3,000 sa paglatag ng kanilang paninda sa Station 11, na ang kolektor ay si Bong Cruz na bata naman ni Sugay. Ang weekly tara sa mga vendors ay P210 para sa PCP sa Juan Luna, P210 sa CIDG Manila, P350 ang sa anti-vice ni Isko na si Athan ang kolektor, P100 sa MASA ni Irinco, P50 sa DID o intelligence ng MPD, P60 sa General Assignment Section o GAS, at P150 daily naman ang sa Station 11. Maliban pa dyan ang Hawkers, DPS at anti-littering na P80 a day. Ang maliwanag pa sa sikat ng araw mga kosa, walang pumapasok sa nakolektang pitsa sa mga vendors sa kaban ng City Hall. Ngayon mga kosa, kayo na ang magkumpara sa katayuan nitong Tiger City ng Mandaluyong at Tent City ng Maynila? Abangan!

CITY

CITY HALL

ERAP

ISKO

KAYA

KOSA

MAYNILA

TIGER CITY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with