Unang Pinoy astronaut
NAPAPANSIN ko lang na, baÂgaÂman may mga ilang ulat naman sa iba’t ibang media outlet, tila hindi gaanong maingay ang pagkakapili sa isang 23 anyos na marketing ma-nager ng isang fitness firm sa Maynila bilang unang astronaut na Pilipino. Kakatawanin ni Chino Roque ang Pilipinas sa isang space expedition sa susunod na taon. Kasama niya sa pagbibiyaheng ito ang 23 pang mga tao mula sa iba’t-ibang bansa sa mundo na dumaan sa matinding pagsasanay at pagsubok bago napiling sumakay sa shuttle ng pribadong kumpanyang Space Expedition Corp. na lilipad sa orbit ng ating planeta.
Iniulat pa umano ng Philippine News Agency na, sa isang sereÂmonya sa Kennedy Space Center sa Orlando, Florida sa United States, idineklara ni Buzz Aldrin si Roque bilang unang astronaut na Pilipino. Sino si Aldrin? Siya ang lunar module pilot ng Apollo 11 at pangalawang tao na lumapag at naglakad sa kalupaan ng buwan noong July 21, 1969.
May dalawa pang Pilipino na kasama ni Roque sa mga dumaan sa pagsubok at pagsasanay pero siya lang ang nakapasa sa kanilang tatlo sa hanay ng mga Pilipino. Nabatid na isang psychology graduate sa De La Salle University si Roque.
Wala pang lumalabas na gaanong detalye kung ano ang gagawin ni Roque at ng 23 pang tao na makakasama niya sa loob ng space shuttle habang nasa kalawakan sila. Lumilitaw na iikot lang sila sa orbit ng mundo at walang palatandaan na dadayo sila sa malalayong sulok ng universe o magtutungo sa Buwan o sa planetang Mars. Ibang antas na kasi ng pagsasanay para maisagawa ito.
Gayunman, malaki ang halaga ng tagumpay niyang ito para sa Pilipinas na lubha nang nahuhuli sa larangan ng space exploration. Iba siguro ang magiging senaryo kung siya ang unang Pilipinong makakarating sa Buwan o Mars o ibang planeta pero, sana, ang pagkakasama niya sa gagawing space expedition sa 2014 ay makatulong para mas maraming Pilipino ang mamulat at mahikayat na sumubok na pag-aralan ang larangan ng space exploration at merong umunlad na sariling space program ang Pilipinas.
• • • • • •
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na [email protected])
- Latest