EDITORYAL - Hustisya sa mga pinatay na mamamahayag
AYON sa New York based Committee to Protect Journalists (CPJ), ang Pilipinas ay ikatlo sa mga bansang mapanganib sa mga mamamahayag. Mula 1992, nasa 72 mamamahayag na ang napapatay at hindi pa kasali rito ang mga mamamahayag na sina Joas Dignos ng Bukidnon at Michael Milo ng Surigao del Sur.
Si Dignos ay binaril ng riding-in-tandem noong Nobyembre 29 habang nag-aabang ng masasakyan. Namatay agad si Dignos sa pinangyarihan ng krimen. Nakatakas ang mga salarin. Si Dignos ay komentarista ng dxGT Radyo Abante sa Maramag, Bukidnon.
Isang linggo ang nakalipas, binaril din at napatay si Michael Milo, 34, broadcaster ng Prime Radio FM sa Tandag City, Surigao del Sur. Ayon sa report, nagmomotorsiklo si Milo pauwi sa kanilang bahay noong Biyernes nang sabayan ng isang motorsiklo na may angkas na dalawang tao at pinagbabaril. Dead-on- arrival sa ospital si Milo.
Hanggang ngayon wala pang lead kung sino ang nasa likod ng pagpatay kina Dignos at Milo.
Mapanganib sa mga mamamahayag ang bansang ito. Pinatunayan ito nang 32 mamamahayag ang pinatay sa Maguindanao noong Nob. 23, 2009. Ang mga mamamahayag ay pinagbabaril kasama ang asawa, kaibigan at supporters ng isang pulitiko sa Maguindanao. Ang suspect sa pag-massacre ay ang Ampatuan clan. Hanggang ngayon, wala pa ring hustisya sa mga pinatay na mamamahayag at sibilyan.
Nang maupo sa puwesto si President Aquino noong 2010, maraming umasa na mapoprotektahan ang mga mamamahayag subalit kabaliktaran ang nangyari sapagkat patuloy at naging madalas ang mga pagpatay. Wala kaming nakikitang malasakit mula sa pamahalaan para protektahan ang mga mamamahayag. Wala kaming nakikitang pagpupursigi para mahuli ang mga killer at “utak†sa pagpatay. Kailan nga ba ipagkakaloob ang hustisya sa mga itinumbang mamamahayag?
- Latest