EDITORYAL - Parusahan ang puputol sa mga bakawan
MARAMI nang nagpapatunay na sinasangga ng mga bakawan (mangroves) ang malalakas na hampas ng alon. Nababasag ang mga alon pagtama sa mga bakawan kaya nababawasan ang puwersa pagsapit sa dalampasigan. Isang patunay dito ang isang bayan sa Negros Occidental na hindi umano nakaranas ng storm surges dahil napapaligiran ng bakawan. Mayroon din namang isang isla sa Leyte na hindi rin tinamaan ng storm surges dahil napapaligiran ng bakawan.
Pagkatapos manalasa si Yolanda, maraming aral na naiwan hindi lamang sa mga tao kundi pati gobyerno. Iminulat ang gobyerno kung paano maghahanda sa pagdating nang malakas na bagyo at kung paano agarang madadalhan ng relief goods ang mga nasalanta.
Napagtanto rin na dapat pangalagaan ang kapaligiran. At isa sa dapat protektahan ay ang mga bakawan. Ngayon lamang lubusang napagtanto ang kabutihang dulot ng mga bakawan sa buhay ng tao lalo sa panahon ng bagyo.
Maraming namatay sa Leyte at Eastern Samar (5, 598 katao) at bilyong piso ang halaga ng ari-arian na napinsala. Pero sabi ng mga eksperto, naiwasan daw sana ang pagkamatay ng mga tao at pinsala kung may nakahadlang sa pagtama nang malalaking alon. Umano’y wala nang hadlang o harang sa baybayin ng Leyte at Samar kaya nang lumaki ang mga alon, tuluy-tuloy ito sa paggulong.
Wala namang ibang masisisi sa pagkaubos ng mga bakawan kundi ang mga tao na rin. Umano’y pinuputol ang mga bakawan para gawing panggatong, uling, dye, at ginagawang Christmas Tree.
Nagpakita na ng pangil ang pamahalaang Aquino laban sa mga puputol o sisira sa mga bakawan. Parusahan sila. Sana, totoo na ang kampanya laban sa mga ito. Magkaroon din nang malawakang pagtatanim ng bakawan.
- Latest