Lampong (461)
HABANG nakatingin si Dick sa bagong silang na anak ay naalala niya ang mga mabibigat na karanasan na muntik nang maging dahilan ng paghihiwalay nila ni Jinky. Dahil sa naranasang ‘‘paglungayngay ng pagkalalaki’’ ay kung anu-anong gamot ang sinubok para malunasan ang problema. Iyon pala’y nasa paligid lamang ang kasagutan sa problema niya. Akalain ba niyang ang buto ng uloy lamang ang solusyon. Ang uloy nuts ang nagbigay ng lakas sa kanya. Nanauli ang pagiging matikas ni batutoy. Pero kung hindi natuka ng mga itik ang mga buto ng uloy, hindi pa rin niya malalaman kung saan galing ang mahiwagang gamot. Salamat sa mga buto ng uloy. Siguro, panahon na para maparami ang mga puno ng uloy. Mas maganda kung makakabili pa sila ni Jinky ng mga lupain para pagtaniman ng mga uloy. Madali namang alagaan ang mga uloy. Mas gusto ng mga ito sa tabing ilog o sapa.
Biglang humikab ang baby ni Dick. Ha-ha-ha! Nakakatuwa pala kung humikab ang bagong silang. Napakaganda ng baby niya. Naalala niya na minsan ay nag-alala siya na baka mukhang itik ang kanilang magiging anak. Kasi’y fried itik napaglihihan ni Jinky. Mali pala ang akala niya. Tama si Jinky na hindi siya dapat maniwala sa mga sabi-sabi.
MAKALIPAS ang ilang buwan. Ipinapasyal ni Dick ang bagong silang na si Jick (pinagsamang Jinky at Dick) sa mga itikan nang dumating si Mulong na may dalang diyaryo.
“Ninong Dick basahin mo ito! Di ba ito ang friend mo?’’
“Friend?’’ Hindi maintindihan ni Dick ang sinasabi ni Mulong.
‘‘Si Pareng Rey mo. Siya ito o! Basahin mo.’’
“A si Pareng Rey!’’
Inabot ni Dick ang diyaryo. Binasa ang balita na may kinalaman kay Pareng Rey. Oo nga. Nakalarawan nga si Rey.
Binasa pa ni Dick. IbinaÂbalita na binibigyan ng parangal si Rey dahil sa natuklasang gamot para manumbalik ang lumungayngay na pagkalalaki. Isang foreign company ang kumilala.
“Di ba si Rey yan ano, Ninong. Pero bakit hindi ka yata kasama sa natuklasan niya. Parang sinolo niya.’’
Hindi nakapagsalita si Dick.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending