EDITORYAL - Linisin n’yo, basura n’yo!
TAMBAK ang basurang iniwan ng katatapos na barangay election kahapon. Problema kung paano hahakutin ang mga basura na kinabibiÂlangan ng mga tarpaulin at mga telang streamer. Sino rin ang magtatanggal ng mga nakakabit sa poste at nakakabit sa punongkahoy? Malamang, ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ang maghahakot at magtatanggal ng mga campaign materials. Wala nang ibang ahensiya ng gobyerno na aatasan sa paglilinis ng basura ng kandidato kundi ang MMDA. Sila ang magdurusa sa walang disiplinang pagkakabit at pagsasabit ng campaign posters at streamers.
Wala naman kasing ngipin ang Commission on Elections (Comelec) sa mga lumalabag na kandidato. Wala silang lakas para disiplinahin sa tamang paglaÂlagay ng campaign materials ang mga kandidato. Dahil sa kawalan ng disiplina, kung saan-saan na lang ipinaglalagay o ipinagkakabit ang mga tarÂpaulin at streamers. Mayroong lumampas pa sa tamang sukat. Walang magawa ang Comelec kundi ang magbanta. Noong May 13, 2013 elections, nagbanta rin ang Comelec sa mga kandidato pero wala ring nangyari sa banta.
Mas maganda siguro kung ipatutupad ng Comelec sa mga kandidato na ang kanilang mga basura ay dapat nilang hakutin. Kanya-kanyang basura, kanya-kanya ring hakot. Kapag hindi hinakot ng kandidato ang kanyang basura, huwag siyang paÂupuin kung nanalo.
Makipag-ugnayan ang Comelec sa MMDA at DENR kaugnay sa mga basura ng kandidato. Mahalaga ito sapagkat ang mga basura ng kandidato (lalo ang tarpaulin) ay maaaring maging dahilan ng pagbaha sa Metro Manila. Magbabara sa drainage o imburnal ang mga makakapal at hindi nabubulok na tarpaulin.
- Latest